December 13, 2025

Home BALITA National

'Kung sabihin ninyong involved si Sen. Villanueva, right here, mag-resign ako sa pagkasenador'—Sen. Bato

'Kung sabihin ninyong involved si Sen. Villanueva, right here, mag-resign ako sa pagkasenador'—Sen. Bato
Photo courtesy: Senate of the Philippines (YT)

Sumingit sa kalagitnaan ng pagsasalita ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) District Engineer Henry Alcantara si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa matapos mabanggit ng engineer sa kaniyang salaysay si Sen. Joel Villanueva. 

Nangyari ito sa naging pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes, Setyembre 25, 2025 kaugnay sa imbestigasyon ng mga senador sa maanomalyang flood-control projects. 

Sinabi ni Dela Rosa kina Alcantara at dating DPWH undersecretary na si Roberto Bernardo na magbibitiw umano siya sa kaniyang puwesto bilang senador kung sasabihin ng dalawa na sangkot si Villanueva sa maanomalyang flood-control projects. 

“Kaya nga ang gusto kong sabihin sa inyo kung sabihin niyo [na] involved si Senator Joel Villanueva sa flood-control [projects], right here, right now, mag-resign ako sa pagkasenador[...]” pagsingit ni Dela Rosa. 

National

'Not admission of guilt!' Surigao Del Sur solon, nagbitiw sa bicam committee dahil sa delicadeza

Pagpapatuloy pa ni Dela Rosa, maraming taon na raw niyang nakikitang galit si Villanueva sa nasabing anomalya sa flood-control projects dahil matagal na umanong binabaha ang probinsya ng Bulacan. 

“Ilang taon ko nang naririnig ‘yan na sinasabi niya na ayaw niya ng flood control. Galit na galit siya dahil ang Bulacan, binabaha ng flood-control. Pero kung sabihin mo na naghingi siya ng flood-control [funds] sa inyo ay I’m sure na hindi ‘yan nangyari,” paliwanag ni Dela Rosa. 

“Pero kung sinabi mo sana sa bata na niya na ‘itong pero na ito, para kay Senator Joel Villanueva, tulong ko sa kaniya [at] galing ito sa flood-control,’ sigurado akong hindi niya tatanggapin ‘yon. Magwawala ‘yon,” pahabol pa niya. 

Aniya, hindi niya dinidepensahan si Villanueva at gusto lamang niyang maging tapat kina Alcantara at Bernardo tungkol sa pagkakakilala niya sa kasamahan niyang senador. 

“Hindi ko didepensahan ‘yong kasamahan ko, ha. I just [want] to be honest with you, alam ko ‘yan. Galit na galit siya sa flood-control [projects], si [Senador] Joel Villanueva.

“Ilang budget hearing niya dito, iyan [Sen. Villanueva] ang pinakamaingay na nagcri-criticize sa DPWH dahil sa flood-control,” paghihimay ni Dela Rosa. 

Sinang-ayunan naman ni Alcantara ang naging pahayag ni Dela Rosa tungkol kay Villanueva. 

“I agree, Your Honor,” anang Alcantara. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita