Nagpaabot ng tulong ang Kapamilya star na si Donny Pangilinan para sa kariton vendors na naging contestant ng “It’s Showtime” segment na “Laro Laro Pick” noong Miyerkules, Setyembre 24.
Ibinahagi ni Unkabogable Star Vice Ganda sa episode ng “It’s Showtime” nitong Huwebes, Setyembre 25, kung ano ang nag-udyok kay Donny upang tulungan ang mga contestant ng nasabing segment.
“Ang daming nakapanood ng kuwento ng ating mga manlalaro kahapon, at ang daming naantig ang kalooban. Isa diyan ang kaibigan natin na si Donny Pangilinan. Tumawag talaga siya sa akin kahapon, sabi niya, ‘Vice, durog ako,’” ani Vice Ganda.
“Nasa taping siya ng bago niyang teleserye, malayo sa Pilipinas. Sabi niya, ‘nadurog ako, ‘di ko kaya ‘yong episode kahapon. May chance pa ba na makita mo sila ulit? Sabi ko, puwede ko naman sila ipatawag,'” dagdag pa niya.
Ayon pa sa paglalahad ni Vice, hindi raw umano kinaya ng kalooban ni Donny kung kaya’t nahimok itong magregalo sa mga nasabing kariton vendors.
“Si Donny Pangilinan ay nagpadala sa akin ng ₱300,000, para bigyan ng tig-₱15,000 kada player kahapon na kariton vendor, kaya naman ipinatawag natin [sila] ulit.
Bumalik ang mga nasabing contestant at inabot ang kanilang pasasalamat matapos matanggap ang tulong mula kay Donny na nakapaloob sa isang ampaw.
"Nagpasalamat ako [kay Donny] kasi may problema ako, may utang. Makapagbayad na ako sa utang ko," ani Ate Mayang.
Nagpasalamat din ang vendor na si “Bel,” sapagkat magkakaroon na raw siya ng puhunan at pambili ng gamot ng kaniyang bunso, sabay sabing "I love you" kay Donny.
Isiniwalat din ni Vice Ganda ang pangako ni Donny na hindi raw ito ang una at huling pagtulong ng aktor, at liban sa aktor, marami pa raw umano ang tumatawag sa kaniya upang tumulong sa mga nagiging contestant nito.
Matatandaang nakuha ng kariton vendor na si “Bonjing” ang jackpot prize na ₱150,000 nitong Miyerkules, Setyembre 24, matapos isagot ang “mansanas” sa tanong na kung anong prutas ang kinagat ni Snow White mula sa kaniyang stepmother na naging dahilan ng pagkalason niya.
Vincent Gutierrez/BALITA