Nanindigan si dating House Speaker Martin Romualdez na hindi raw siya nangulimbat ng kahit na ano mula sa pondo ng bayan, taliwas sa mga ibinabato sa kaniyang mga paratang.
Sa kaniyang pahayag nitong Huwebes, Setyembre 25, 2025, mariing iginiit ni Romualdez na hindi raw niya kailangan ng perang galing masama.
“Kahit kailan, hindi ako nagnakaw ng pondo ng bayan. Hindi ko kailangan ang perang galing sa masa,” ani Romualdez.
Tahasan ding isinaad ni Romualdez sa kaniyang pahayag na nakahanda raw siyang lumaban nang may mga ebidensyang magpapatunay ng kaniyang pagiging inosente mula sa pagdadawit sa kaniyang pangalan sa isyu ng maanomalyang flood control projects.
“I remained silent out of respect for the process, but now that my name has been maliciously dragged into this controversy, I will fight back—not with rhetoric, but with evidence,” giit niya.
Siniguro din ng naturang mambabatas sa publiko na kahit kailan ay hindi raw niya trinaydor ang tiwala sa kaniya ng taumbayan.
Aniya, “To the Filipino people, I give you this solemn assurance, I will never betray your trust.”
Matatandaang sa ikaanim na pagdinig ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa isyu ng korapsyon sa flood control projects, ay muling nakaladkad ang pangalan ni Romualdez matapos lumutang ang isa umanong dating tauhan ni Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co na siya raw taga-deliver ng pera para sa kanilang dalawa.
“Mas maraming pagkakataon na nagde-deliver kami ng basura sa bahay ni Speaker Romualdez at sa bahay ni Congressman Zaldy Co dahil iba-iba kaming mga naka-detailed na close in, back-up at advance party na nagkakaroon ng rotation,” saad niya.
Kabilang sina Co at Romualdez sa mga pangalan ng mga mambabatas na nilaglag ng mga Discaya na umano’y nanghihingi ng kickback sa halaga ng kontrata mula sa gobyerno.
KAUGNAY NA BALITA: Ilang DPWH offcials, pumuporsyento sa mga Discaya para umano kina Romualdez at Co