December 13, 2025

Home BALITA National

DFA, kinumpirmang binisita ng PH Embassy officials si FPRRD para sa 'welfare check'

DFA, kinumpirmang binisita ng PH Embassy officials si FPRRD para sa 'welfare check'
Photo courtesy: DFA (FB), MB


Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na binisita ng mga opisyal mula sa Philippine Embassy sa The Hague, Netherlands si dating Pangulong Rodrigo Duterte upang isagawa ang isang “welfare check.”

Ito ay matapos ipabatid ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na DFA ang dapat tumugon hinggil sa mga pahayag ni Vice President Sara Duterte noong Miyerkules, Setyembre 24, ukol sa natanggap nitong report mula sa Palasyo na nagsagawa ang mga opisyal ng embahada ng Pilipinas sa The Hague ng isang pagbisita sa kaniyang amang si FPRRD sa International Criminal Court (ICC) detention facility.

MAKI-BALITA: Palasyo, hindi nagpahayag sa umano’y ‘welfare check’ ng PH Embassy kay FPRRD; DFA ang tutugon-Balita

Ibinahagi ng DFA sa kanilang Facebook post nitong Huwebes, Setyembre 25, ang kompirmasyon ng mga pahayag ni VP Sara patungkol sa welfare check na isinagawa sa kaniyang ama.

“Officials from the Philippine Embassy in the Hague visited former President Rodrigo Roa Duterte at the Detention Center of the International Criminal Court to conduct a welfare check,” ani DFA.

“This is in line with its functions under the Vienna Convention on Consular Relations and relevant Philippine laws to protect the welfare of all Filipinos,” dagdag pa nila.

Nanindigan din ang DFA na ito ay isang “duty” ng lahat ng Philippine Foreign Service Posts, at ito umano ay hindi iba sa mga ginagawa ng kanilang ahensya sa iba pang mga Pinoy na nakapiit din sa ibang bansa.

Habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang inilalabas na komento si VP Sara hinggil sa naging sagot ng DFA sa kaniyang mga pahayag.

Vincent Gutierrez/BALITA