Nagbigay ng mensahe ang comedian at impersonator na si Gil Morales o mas kilala bilang Ate Gay para sa kaniyang pamilya at kapuwa mga komedyante sa kabila ng kaniyang nilalabanang malubhang sakit.
Ayon sa inupload na video sa YouTube sa naging panayam ni Ate Gay kay showbiz insider Ogie Diaz noong Miyerkules, Setyembre 24, 2025, emosyonal niyang sinabing hinanda na umano niya ang insurance niya para sa pamilya niya.
“Kagaya ng sinabi ko, hinanda ko ‘yong insurance ko. Makakatulong sa kanila ‘yon,” pagsasaad ni Ate Gay.
“Kaya ko ginagawa ‘yon kasi nagkasakit na ako dati na. Paano kung namatay ako no’n, wala akong naiwan sa kanila? Ngayon may maiiwan na ako sa kanila. Salamat sa Diyos,” dagdag pa niya.
Nagbahagi naman ng komento si Ogie tungkol sa sinabi ni Ate Gay.
“Grabe ano? Ang mga bakla, gan’yan talaga. Kahit no’ng araw, sa panahon namin, dati ‘di ba parang isinusumpa pa ‘yong [mga] bakla no’on araw. Pero sila pala ‘yong inaasahan pagdating ng araw. Tapos sila [ang pamilya] pa rin ang iniisip natin kahit may sari-sarili nang buhay,” anang Ogie.
“Basta mawala man ako sa mundo, [ang mahalaga] okay silang lahat. Pero ayaw ko pa po. H’wag muna[...]” sagot naman ni Ate Gay.
Pagpapatuloy ni Ate Gay, pinasalamatan niya ang lahat ng tumutulong at nagdarasal para sa kaniyang paggaling.
“Lalaban ako para sa akin, para sa mga nagdarasal. Thank you, thank you sa lahat po,” ‘ika ng komedyante.
Nagbigay rin ng payo si Ate Gay para sa mga kagaya niyang komedyante at kinuwento ang halaga ng pagkakaroon umano ng insurance para masiguradong handa kung sakaling may mangyaring hindi inaasahan sa buhay.
“Dahan-dahan sa work, pakiramdaman ang sarili, mag-ipon. Kasi no’ng last ko na sakit, zero (0) no’n. Wala akong insurance, wala akong PhilHealth, wala akong kung ano. As in kapatid ko lang ang tumulong sa akin na nasa Japan at saka ‘yong mga mahal ko sa buhay, syempre mga kaibigan.
“Tapos gumaling ako [ulit]. ‘Yon agad ang kinuha ko. Kumuha ako ng life insurance, health insurance. Ngayon, kaya hindi ako masyadong nahirapan sa pagbabayad [sa pagpapagamot], may insurance pero nagbabayad pa rin ako. Hindi kagaya dati na hirap na hirap ‘yong mga kapatid ko sa pagbabayad sa hospital.
“Kaya ‘yon ang gusto kong sabihin sa mga katrabaho ko, sa mga stand-up comedian, kumuha kayo ng insurance ninyo hangga’t maagap pa. Alagaan ang sarili,” mensahe ni Ate Gay.
“Ang aim dapat lagi gabi-gabi is magpasaya hindi para kumita,” pagtatapos pa niya.
Samantala, batay sa National Institute of Health (NIH), ang sakit ni Ate Gay ay "most common malignant, locally-invasive tumor of the salivary glands, and accounts for approximately 35% of all malignancies of the major and minor salivary gland."
KAUGNAY NA BALITA: Bilang pasasalamat: Ate Gay, dinalaw ng isang doktor na napapatawa niya
KAUGNAY NA BALITA: 'Gusto ko pang mabuhay!' Ate Gay, lumalaban sa malubhang sakit
Mc Vincent Mirabuna/Balita