Naging emosyonal ang Unkabogable Star at noontime show host na si Vice Ganda matapos malaman na walang tirahan at natutulog sa kalsada ang isang contestant nila sa kanilang segment.
Ayon sa na inereng segment na Laro Laro Pick ng It’s Showtime nitong Miyerkules, Setyembre 24, 2025, nakilala nina Vice, Vhong Navarro, at Anne Curtis ang 67 anyos na si nanay Rosie mula sa Baclaran, Parañaque City.
Pagkukuwento ni Rosie, nagtitinda siya sa loob ng 24 oras ng softdrinks, mineral water, at sigarilyo sa mga kalsada ng Baclaran at Pasay.
Ibinahagi rin ni Rosie na wala na siyang inuuwian dahil wala na siyang pambayad ng upa sa tinutuluyan niya dati dahilan para piliing matulog na lang sa kalsada.
Nagulat naman si Vice sa kuwento ng buhay ni Rosie.
“Tingnan mo, may isang mag-ina na nagtitinda sa kalsada araw-araw, umulan-umaraw tapos hindi na nakabayad ng upa kay sa kalsada na naninirahan. Tapos may mga congressman na bente (20) ang bahay? May mga pulitiko na trenta (30) ang sasakyan?,” saad ni Vice.
Hindi napigilan ni Vice na maglabas ng saloobin tungkol sa talamak na usap-usapan sa korapsyong nangyayari ngayon sa bansa.
“‘Wag na talaga tayong pumayag. Grabe na ‘yon. Ito [si nanay Rosie], nanakawan ito. Walang Pilipino ang dapat sa kalsada natutulog kung talagang ginagamit niyo lang nang marangal ‘yong perang ibinayad namin sa buwis,” anang Vice.
“Bilyon-bilyon [at] trilyon ‘yan, e. Hindi dapat natulog ‘tong ale na ito sa kalsada kung hindi niyo kami ninakawan,” pahabol pa ni Vice.
Hinalimbawa naman ni Vice ang mangyayari umano kung maibibigay sa mga Pilipinong nangangailangan ang buwis na ibinabayad niya at ng kaniyang mga kasamahang host.
“Na-iimagine ko, ‘yong tax natin, kahit tayong tatlo lang [Anne at Vhong]. Kung pinagsama-sama natin ‘yong tax natin at hindi na nila siningil, tayo na lang ang gumamit, ang dami [siguro] nating napauwi sa mga bahay ng mga mamamayan,” panghihinayang ni Vice.
Tinanong naman ni Vice si Rosie kung paano umano niya natitiis na matulog sa kalsada.
“Tinitiis. Syempre, gano’n talaga ang buhay, e. Kung hindi ka naman maghahanap-buhay, hindi ka kakain, ‘di ba? Kaya kailangan, magtiyaga[...]
“Doon sa Baclaran [nagdarasal ako], kapag 12:00 ng madaling araw[...] Humihingi ako ng tulong sa [Diyos] ‘yong mabigyan kami ng magandang [buhay],” emosyonal na pagkukuwento ng matanda.
Nagpaabot naman ng tulong si Vice kay Rosie matapos niyang marinig ang mga kuwento niya.
Ayon kay Vice, siya na umano ang maghahanap ng bahay na tutuluyan ni Rosie at ng kaniyang anak sa loob ng isang taon.
“Maghahanap po kami ng puwede n’yong tirahan sa Baclaran, kami ang magbabayad. Kahit isang taon lang, maghahanap ako ng matitirahan mo sa Baclaran tapos isang buong taon [ay] babayaran ko ‘yon.
“Pasensya na hindi ko kaya ‘yong habambuhay [ay] hindi ko maipapangako. Pero isang taon man lang na maibawas kong nasa ilalim ka ng buwan, at ng ulan, at ng araw tuwing hapon.
“Kahit katiting man lang, makatulong kami sa maging maayos ang tulog at hihigaan mo,” pagtatapos niya.
Tuluyan naman naging emosyonal at nagpasalamat kay Vice si Rosie.
Mc Vincent Mirabuna/Balita