December 13, 2025

Home BALITA National

Torre, ibinalandra datos ng mga umano'y 'namatay na nanlaban' sa buy bust ng drug war ni FPRRD

Torre, ibinalandra datos ng mga umano'y 'namatay na nanlaban' sa buy bust ng drug war ni FPRRD
Photo courtesy: Nicolas Torre III (FB)/via MB

Tila nagpahayag ng kaniyang pagsang-ayon si dating Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III sa inilabas na three counts of murder ng International Criminal Court (ICC) Deputy Prosecutors laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, kaugnay pa rin ng kaniyang war on drugs.

Mababasa sa Facebook post ni Torre, Miyerkules, Setyembre 24, na bagama't karumal-dumal ang isyu ng flood control projects, hindi raw ibig sabihin nitong kailangan nang kalimutan ang iba pang "karumal-dumal" na ginawa sa taumbayan.

"Totoo, karumal-dumal ang nangyayari sa flood control projects. At tulad ninyo, naniniwala akong dapat papanagutin ang mga sangkot dito. Pero hindi ibig sabihin na dapat kalimutan na natin ang iba pang mga karumal-dumal na ginawa sa taumbayan.

Matalino ang Pilipino. Kaya nating pagsabay sabayin ang pagtalakay sa iba ibang issues," ani Torre.

National

Sen. Bato at iba pa, 'di sumipot sa bicam conference committee meeting para sa 2026 nat’l budget

Sumunod, ipinaliwanag ni Torre kung bakit daw naging madali para sa kaniya ang paghahain ng arrest warrant mula sa ICC sa dating pangulo noong Marso, dahil siya mismo, nasaksihan daw niya ang operasyon ng drug war noong siya ay hepe pa ng Regional Operations Division ng Police Regional Office 3 (PRO3).

"Justice for humanity: ICC charges Rodrigo Duterte with crimes against humanity. Ano ang alam ko at bakit madali para sa akin na iimplement ang ICC Warrant ni Former President Rodrigo Duterte noong March 11, 2025 (na birthday ko pala hehehe)," aniya.

"Ako ang Chief ng Regional Operations Division ng PRO3 (Central Luzon) noong mga panahong iyon (2016) at ito ang personal na nakita ko."

"Aside sa dumami ang mga nahuling suspek pagkatapos na namumpa si Duterte (na maganda naman at sang ayon ako), kapansin pansin ang pagdami ng mga suspek na namatay sa buybust dahil diumano sila ay nanlaban (at dito ako hindi sang ayon)."

Pagkatapos nito, inilatag ni Torre ang mga umano'y monthly data ng buy bust operations noong 2016, ng mga umano'y nanlaban, na may kaugnayan pa rin sa drug war.

"January to March 2016: walang namatay pero 1,202 ang nahuli."

"April to June 2016: 10 ang namatay at 1,074 katao ang nahuli o 0.9% (isa sa bawat 108 na suspek ang namatay)"

"Then nung June 30, 2016 ay nanumpa si Duterte bilang Presidente. At eto ang naging statistics:"

"July 2016: 120 ang namatay at 1121 ang nahuli o 9.6% ang namatay (isa sa bawat sampung suspek ang namatay)."

"Sa buong 3rd Quarter 2016 (July to Sep): 271 ang namatay at 3368 ang nahuli o isa sa 13 na suspek ang namatay."

Dagdag pa ni Torre, "Kayo na po ang mag compute ng iba pang statistics kung intresado kayo pero para sa akin, ang policy ni Duterte na 'kill kill kill’ ay kitang kita sa mga numerong ito."

"At dapat nya itong sagutin sa mga pamilya ng mga Pilipinong nagrereklamo ngayon sa ICC," aniya pa.

Photo courtesy: Screenshots from Nicolas Torre III/FB

Matatandaang si Torre ang isa sa mga nanguna sa pagdakip kay Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Marso, pagkalapag pa lamang ng dating pangulo mula sa Hong Kong. 

KAUGNAY NA BALITA: ICC Prosecutors, sinampahan na si FPRRD ng 3 counts of murder