Usap-usapan ang tila blind item ni "24 Oras" news anchor Emil Sumangil hinggil sa isang "party-list representative na umano'y utak ng insertion" na namataan daw sa Singapore, patungong Europa at nakasakay sa isang "business class," na mahihinuhang tumutukoy sa eroplano.
Mababasa sa social media posts ni Sumangil ang tungkol dito, na aniya, ay batay sa isang hindi pinangalanang "source."
Nakalagay sa kaniyang post, published as is, "SOURCE: Spotted sa SG ang Party List Rep na umano'y utak ng insertion, lilipad pa-Europa now, na naka Business Class..."
Photo courtesy: Screenshot from Emil Sumangil (IG/FB)
Sa comment section, kaniya-kaniya namang hula ang mga netizen kung sino ang tinutukoy niya.
"name drop - or we all know naman na"
"bnigyan ng 10 day period pra umuwe at mag paliwanag bagkos pang umalis at lumipat ng ibang bansa. magtuloy tuloy sna ang intel na itrack ang galaw nya pra by the time mag relapsed na ang 10 day period ay pwd na sya ipa travel ban"
"Useless yan! Malakas kay Marcos at Romualdez yan, gusto gustuhin talaga pauwiin yan matagal na sana ginamit ang interpol"
"NAKOOOO PAANO NAKALUSOT YAN"
"tatakas na yan."
"Dami talagang salapi na hindi naman KANYA, wala din yan katahimikan sa ginawa nya, maibabalik yan dito para pag dusahan ang ginawa nya"
"Co ba yan?"
Noong Martes, Setyembre 23, sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa maanomalyang flood control projects, nabanggit ang pangalan ni Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co na umano'y nagsagawa ng budget insertion para sa Bulacan flood control projects noong 2022 hanggang 2025.
Sinabi ito ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) District Engineer Henry Alcantara na nagpasok umano si Co ng ₱35.24 bilyon sa kabuuang halaga ng nasabing proyekto.
“September 2021, nagkakilala kami ni Cong. Zaldy Co sa isang pagtitipon sa Shangri-La Bonifacio. Doon ay napag-usapan namin ang planong sumubok na magbaba ng pondo para sa aming distrito para sa iba’t ibang proyekto," ani Alcantara.
“Pagkalipas ng higit-kumulang isang buwan mula sa aming pagkikita, ako ay nagpasa sa kaniya ng listahan ng mga proyektong may kaugnayan sa flood control at ang mga proyektong ito ay lumabas sa General Appropriation Act (GAA) of 2022,” pagpapatuloy niya.
Dagdag pa ng dating district engineer, “Sa pagitan ng apat na taon, mula 2022 hanggang 2025, naging tagapagtaguyod si Cong. Zaldy ng mga proyekto sa Bulacan first [district]. Mahigit kumulang 426 na proyekto. Ang kabuuang halaga ng proyektong ito ay…hindi bababa sa ₱35.24 bilyon.”
Samantala, hindi naman pinangalanan, binanggit, o tinukoy ni Sumangil kung sino ang party-list representative na nasa kaniyang blind item.
KAUGNAY NA BALITA: Zaldy Co, nag-insert umano ng ₱35.24B mula 2022-2025