Nanindigan si Sen. Bam Aquino na pormal nang isabatas ang Senate Bill No. 121 o ang Classroom-Building Acceleration Program Act o CAP ACT.
Ibinahagi ni Sen. Bam sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkules, Setyembre 24, na makatutulong ito sa mga mag-aaral na araw-araw nagtitiis sa masisikip at maiinit na silid-aralan.
“Araw-araw, libu-libong kabataang Pilipino ang nagtitiis sa masisikip, mainit, at sira-sirang silid-aralan. Mas matututo nang maayos ang ating kabataan kung may sapat ba espasyo at pasilidad,” ani Sen. Bam.
“Panahon nang kumilos. PASS SBN 121 or Classroom-Building Acceleration Program Act NOW! Mas mabilis na pagkilos. Mas maraming classrooms. Mas magandang kinabukasan para sa bawat batang Pilipino,” dagdag pa niya.
Inilahad rin ng mambabatas sa nasabing post ang mga probisyong nakapaloob sa naturang panukala.
“Layon ng SBN 121 na pabilisin ang pagpapatayo ng mga silid-aralan sa tamang presyo at alinsunod sa pambansang pamantayan, sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba’t ibang sektor,” aniya.
Nilinaw niya ring kung maisabatas, magiging katuwang ng pamahalaan ang Local Government Units (LGU), pati ang mga Civil Society Organizations (CSOs), basta’t may kakayahan at track record pagdating sa pagpapatayo ng mga silid-aralan.
Nakasaad din sa post ang mga benepisyong dala ng CAP ACT tulad ng mas mabilis na pagresolba sa 165,443 classroom backlogs, kasiguraduhang nasa tamang presyo ang pagpapatayo ng mga silid-aralan, at wala nang batang magsisiksikan sa isang silid-aralan.
Kasama rin sa benepisyo ng SBN 121 ang wala nang mga klase ang isasagawa sa ilalim ng puno o covered court, sapagkat ang mga silid-aralan ay sapat na. Hindi na rin magkakaroon ng shifting schedule, upang mas maraming oras para matuto, at masisigurong nasa disente, ligtas, at maayos na silid-aralan ang mga mag-aaral na Pilipino.
Matatandaang isa si Sen. Bam sa mga mambabatas na nais paglaanan ng mas malaking pondo ang sektor ng Edukasyon.
KAUGNAY NA BALITA: Mga senador, suportado ang DepEd sa mga aksyon, reporma sa edukasyon-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA