Naglatag ng listahan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa sampung kabuuang bilang ng mga Regional Directors at District Engineers na bibigyan nila ng show cause order kaugnay sa imbestigasyon sa maanomalyang flood-control projects.
Ayon sa naging press briefing ng DPWH nitong Miyerkules, Setyembre 24, 2025, sinabi ni DPWH Sec. Vince Dizon na mula ang mga pangalan sa nakalap nilang mga ulat at imbestigasyon tungkol sa mga nasabing indibidwal na mayroong “lavish lifestyle” at “substandard projects.”
“I will be announcing ten (10) individuals from Regional Directors to District Engineers that we have received reports of lavish lifestyles and mga reports na rin ng implement ng mga either ghost or substandard projects,” panimula ni Dizon.
Narito ang listahan ng mga Regional Directors, District Engineers, at ilang abogado mula sa ibinahagi ni Dizon:
1. RD Gerard Opulencia, NCR, Lavish Lifestyle
2. RD Danilo Villa, Region VII, Lavish Lifestyle
3. DIR. Gerald Pacanan, Former RD of IV-B, Substandard Projects
4. RD Khadaffy Tanggol, CAR, Failure to Cooperate with Ongoing Investigation
5. Atty. Brando Raya, Rowalad Chief, Region Lavish Lifestyle
6. DE Isabelo Baleros, Former DE of Las Pinas, Muntinlupa DEO, Substandard Projects
7. DE Almer Miranda, Pampanga 1st DEO
8. DE Gil B. Lorenzo, La Union DEO, Substandard Projects
9. DE Arturo L. Gonzales, Jr., Quezon City 1st DEO, Substandard Project
10. DE Johnny L. Protesta, Jr., Quezon City 2nd DEO, Substandard Project
Ayon pa kay Dizon, nakapagpadala na sila ng show cause order para sa mga nasabing indibidwal at idadaan umano nila ang pag-iimbestiga sa wastong proseso.
“Nagpadala kami ngayon ng mga iba’t ibang show cause order. May proseso tayong sinusundan dahil marami sa kanila ay mga civil service employees or officials and may kailangang proseso.
“Ang unang steps ng proseso, kamukha no’ng ginagawa natin dati din sa DOTr [Department of Transportation], sa mga tinanggal nating mga [opisyal ng] LTO [Land Transportation Office in the Philippines], etcetera, etcetera, may proseso ito at simula pa lang ito,” paglilinaw ni Dizon.
Giit pa ni Dizon, inisyal na listahan pa lamang ang mga pangalang inilabas nila at bibigyan niya ang mga nabanggit na indibidwal ng limang (5) araw para magbigay ng paliwanag.
“Again, initial list pa lang ito base sa mga nakuha nating mga reports at evidence na sinubmit sa atin ng iba’t ibang sources[...] We are giving them five (5) days to submit their written explanations of the reports we have received against them[...],” anang Dizon.
Mensahe pa ni Dizon sa mga opisyal ng kanilang ahensya, “[T]uloy-tuloy ito. Pasensyahan tayo dito. Kung akala ng mga opisyales na hindi ko seseryosohin ‘yong mga sinasabi ko from the very beginning, I hope this is proof that we are serious—that the President is serious about this.”
Aniya, wala raw silang kikilingan sa pag-iimbestiga at kailangang umanong may managot para matigil na ang mga anomalyang talamak sa mga proyektong isinagawa sa ahensya ng DPWH.
“We will spare nobody. Top-to-bottom[...] Kailangan maayos na ‘tong institusyon na ito and starts with accountability. Kailangang [may] managot.
“Hindi lang titigil sa administrative charges ito. Kung may ebidensya na kasabwat sila sa maanomalyang proyekto, lahat ‘yan ay mananagot at isa-submit natin lahat ito sa ICI [Independent Commission for Infrastructure],” pagtatapos ni Dizon.
Mc Vincent Mirabuna/Balita