December 12, 2025

Home BALITA National

Palasyo, pinasinungalingan mga pahayag ni VP Sara tungkol sa Overseas Filipinos

Palasyo, pinasinungalingan mga pahayag ni VP Sara tungkol sa Overseas Filipinos
Photo courtesy: RTVM (YT), MB


Pinasinungalingan ng Malacañang ang mga pahayag ni Vice President Sara Duterte hinggil sa mga umano’y Overseas Filipinos na “detained,” “distressed,” “abandoned,” o “neglected,” na hindi nakatanggap ng benepisyo sa kahit isa man lang na welfare check mula sa gobyerno ng Pilipinas, at aniya pa, dapat itong malaman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“President Marcos should know that we have several Overseas Filipinos around the world — detained, distressed, abandoned or neglected — who have not had the benefit of a single welfare check from the Philippine government,” ani VP Sara.

“They need you but you have failed them. We, Filipinos, deserve better,” dagdag pa niya.

MAKI-BALITA: ‘FPRRD does not need you!’ VP Sara, kinondena isinagawang ‘welfare check’ ng PH embassy sa The Hague kay ex-Pres. Duterte -Balita

Sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Miyerkules, Setyembre 24, tahasang sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na ang mga pahayag ni VP Sara ay malaking kasinungalingan.

“‎'Yan po ay malaking kasinungalingan. Nakausap po natin si Usec. Bernard Olalia, at tinanong po natin kung ano ang masasabi ng nasabing ahensya.‎ Mayroon po tayong Migrant Workers Office o MWO na nasa mga destinasyon o mga bansa na malakas o malaki ang populasyon. ‎So lahat po ng mga kinakailangan o pangangailangan ng ating mga kababayan sa ibang bansa, especially the OFWs ay tinutugunan ng ating gobyerno, at yan din po ang nais ng ating Pangulo,” ani Castro.

‎“‎Lahat ng pangangailangan ng mga OFWs, ng mga kababayan nating nasa ibang bansa, dapat matugunan agad-agad,” dagdag pa niya.

Ibinunyag din ni Castro na may records ang Department of Migrant Workers (DMW) hinggil sa mga Pilipinong nabibigyan nila ng tulong.

‎“‎At ayon sa record po ng DMW, lahat ng humihingi ng tulong sa kanila, 100% nilang natutugunan, at may records po sila,” anang press officer.

‎“‎At mayroon pong quick response team ang DMW at kung kinakailangan ng rescue, at hindi agad sila nakakapasok, humihingi agad sila ng tulong sa mga awtoridad, mga police authorities sa nasabing bansa. ‎Kaya ito pong binabanggit ng Bise Presidente, na walang naitutulong sa mga OFWs, it is another fake news,” dagdag pa niya.

Matatandaang ito lamang ang naging sagot ng Palasyo sa mga tinuran ni VP Sara, sapagkat ayon sa kanila, Department of Foreign Affairs (DFA) ang dapat na tumugon ukol sa umano’y “welfare check” ng Philippine Embassy kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa International Criminal Court (ICC) detention facility sa The Hague, Netherlands.

MAKI-BALITA: Palasyo, hindi nagpahayag sa umano’y ‘welfare check’ ng PH Embassy kay FPRRD; DFA ang tutugon-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA