Hindi nagbigay-pahayag ang Malacañang hinggil sa inilabas na pahayag ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa umano’y “welfare check” ng Philippine Embassy kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa International Criminal Court (ICC) detention facility sa The Hague, Netherlands.
Sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Miyerkules, Setyembre 24, inihayag ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang dapat sumagot sa naturang pahayag ng bise presidente.
“Ang statement po na ‘yan ng bise presidente, ang tutugon po [r]iyan ay ang DFA,” ani Castro.
“Pero ang tutugunan lamang po natin ay ‘yong kaniyang huling mensahe, patungkol po [r]oon sa diumanong mukhang hindi alam ng pamahalaan na maraming OFWs na detained, distressed, abandoned, or neglected, at ito [r]aw po ay hindi natutugunan ng gobyerno,” dagdag pa niya.
Nang tanungin kung may breaches in law or protocol ba kung magbaba ng order ang Pangulo na i-check ang dating Pangulo sa detention facility, inihayag niyang ang DFA pa rin ang dapat tumugon dito, upang makapagbigay ang ahensya ng impormasyon hinggil sa katotohanan ng mga bintang umano ni VP Sara.
Matatandaang inakusahan ng bise presidente na si PBBM umano ang isa sa mga nasa likod ng nasabing welfare check.
MAKI-BALITA: ‘FPRRD does not need you!’ VP Sara, kinondena isinagawang ‘welfare check’ ng PH embassy sa The Hague kay ex-Pres. Duterte -Balita
Vincent Gutierrez/BALITA