Nakataas na sa tropical cyclone wind signal no. 1 at 2 ang ilang lugar sa Luzon at Visayas bunsod ng severe tropical storm Opong.
Batay sa 5:00 PM weather update ng PAGASA, lumakas bilang isang severe tropical storm ang bagyong Opong habang kumikilos ito sa Philippine Sea.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 670 kilometro Silangan ng Surigao City, Surigao Del Norte. Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 95 kilometers per hour at pagbugsong 115 kilometers per hour.
Kumikilos ito pa-west northwest sa bilis na 20 kilometers per hour.
Bunsod nito, nakataas ang wind signal no. 2 sa Northern Samar at northern portion ng Eastern Samar (San Policarpo, Oras, Jipapad, Arteche).
Signal no. 1:
Luzon:
Catanduanes
Camarines Sur
Albay
Sorsogon
Masbate
Visayas:
Samar
Nalalabing bahagi ng Eastern Samar
Northern portion ng Leyte (Barugo, San Miguel, Babatngon, Tacloban City, Calubian, Leyte, Capoocan, Carigara, Palo)
Samantala, lalakas pa bilang "typhoon" ang bagyong Opong bukas ng hapon, Huwebes, Setyembre 25, kung saan mararamdaman na ang epekto ng bagyo, katulad ng malakas na hangin, sa Eastern Visayas at hilagang bahagi ng Caraga Region.
Pagsapit ng Huwebes ng gabi hanggang Biyernes ng umaga (Setyembre 26), inaasahang kikilos ang bagyo sa Eastern Visayas at Bicol Region.
Sa pagsapit naman ng Biyernes ng hapon, mas maraming lugar pa ang maapektuhan dahil kikilos ang bagyo sa Calabarzon, MIMAROPA, Metro Manila, at Central Luzon.
Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyo sa Sabado ng hapon, Setyembre 27.