Nagpahayag ng kaniyang saloobin ang komedyante at aktres na si Tuesday Vargas tungkol sa naging resulta ng naganap na kilos-protesta laban sa korapsyon noong Linggo, Setyembre 21, 2025.
Ayon sa inupload na video ni Tuesday sa kaniyang TikTok nitong Miyerkules, Setyembre 24, 2025, sinabi niyang gusto niyang gamitin ang plataporma niya para ipaliwanag sa mga taong pare-parehas huwag silang maglaban-laban.
“Bago po ninyo ako libakin sa aking mga opinyon, gusto ko pong sabihin na ang tanging nais ko ay gamitin ang [aking] platform sa [ikakagaling] ng lahat ng [makakanood] nito. Pilipino po tayong lahat at hangad natin ang [ikakaunlad] ng nag-iisa nating bansa. Kesa mag labanan tayo ay [magbuklod] po tayo, lawakan ang pag-iisip at pag-unawa,” saad ni Tuesday sa caption ng kanyang video.
Sey ni Tuesday, masakit umano sa kaniyang makitang hindi nagkakasundo ang taumbayan dahil sa kanya-kanyang kulay at paksyon ng maraming grupo.
“Napakasakit po sa akin na nakikitang parang divided po ‘yong bansa. Nagkakaroon ng kulay, nagkakaroon ng mga paksyon. Tapos lahat ng tao, kanya-kanya sila ng mga layunin,” anang Tuesday.
“Pero dapat po talaga ang ginagawa natin ay iisa lang po tayo. Pilipino po tayo. Pilipinas lang ang bansa natin,” dagdag pa niya.
Aniya, mali umano na magkagulo ang mga tao at saktan nila ang isa’t isa.
Nanawagan din si Tuesday para sa mga mainstream media na “mag-imbestiga” pa raw nang mas malalim ang mga ito kaugnay sa totoong nangyari.
“Mali po talaga na nagkagulo. Mali po talaga na may mga nasaktan. At sana po, panawagan ko po ito sa mainstream media na ungkatin pa po natin. Mag-imbestiga pa po tayo.
“Hindi po totoong walang namatay, walang namaril, at hindi po totoong mayroon pong pang-aabuso ng kapangyarihang naganap. At hindi rin po totoo na wala pong mga menor de edad na nakulong at nadamay po dito,” paglilinaw ni Tuesday
Pagpapatuloy pa ni Tuesday, mas hinahayaan daw ng mga tao na manaig ang kanilang nararamdamang emosyon imbis na gamitin ang kanilang isip.
“Parang sa tingin ko, we are getting ahead of ourselves kasi mas pinapairal natin ngayon ang emosyon. Talinuhan po natin. H’wag po nating pansinin ang kili-kili ng mga raliyista. H’wag po nating tingnan kung sino po ‘yong mga nagsasalita sa entablado na medyo malgrammar. Hindi po ‘yon talaga ang pokus,” mensahe niya.
Sinabi niyang hindi siya umano nananawagan sa publiko bilang artista ngunit bilang isang mamamayan ng bansa.
“Nandito po ako hindi bilang artista. Nandito po ako bilang mamamayan [at] bilang nanay. Bilang Pilipino po na sinasabi po sa inyong lahat at hinihimok po kayo na lawakan po natin ang ating pag-iisip, kalmahan po natin ang ating puso, sabay-sabay po tayong umisip ng paraan. Pagkatapos ng rally, ano na ang gagawin natin?” ‘ika ni Tuesday.
“Kailangang managot ang mga dapat managot. Makulong na ang mga kawataan at tigilan na po ang korapsyon. Doon po tayo mag-focus,” pagtatapos niya.
Matatandaang nagbahagi na ng pagtindig si Tuesday kaugnay sa mga nangyayaring korapsyon sa gobyerno ayon sa ibinahagi niyang post noong Setyembre 18 at 19, 2025.
KAUGNAY NA BALITA: Tuesday Vargas, pinapanagot lahat ng sangkot sa korupsiyon
Sa isang Facebook post ni Tuesday noong Huwebes, Setyembre 18, makikita ang larawan niyang may hawak na placard na nakalagay ang panawagang: “Lahat ng sangkot, dapat managot!”
Sa hiwalay niya namang post noong Biyernes, Setyembre 19, hinikayat niya ang mga kapuwa artista na gamitin ang boses para lumikha ng pagbabago.
Aniya, “Sa mga artistang tahimik ngayon at hindi ginagamit ang boses dahil natatakot, ang masasabi ko lang ay bago kayo maging artista kayo at Pilipino muna. LAHAT TAYO APEKTADO[...]”
Samantala, wala namang lumabas na mga ulat kung sumama si Tuesday sa mga kilos-protesta isinagawa ng mga progresibong grupo noong Linggo.
Mc Vincent Mirabuna/Balita