December 16, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Naabuso na, gising na po!' Anjo Pertierra, may napagnilayan sa weather coverage

'Naabuso na, gising na po!' Anjo Pertierra, may napagnilayan sa weather coverage
Photo courtesy: Screenshots from Anjo Pertierra (IG)

Pinusuan ng mga netizen ang Instagram post ni "Unang Hirit" weather reporter at host na si Anjo Pertierra patungkol sa realisasyon niya sa tuwing nagsasagawa ng coverage sa lagay ng panahon.

Sa isang Instagram post, ibinahagi ni Pertierra ang kaniyang karanasan sa pagbabalita ng lagay ng panahon, kabilang na ang pagtungo sa mga malalayong lugar na tinamaan ng bagyo at pagbaha.

Ayon sa kaniya, isang salita ang laging pumapasok sa kaniyang isip kapag nakikita ang mga kababayan sa ganitong sitwasyon: “Resilient.”

"I've been covering the weather for quite a while now, and part of the job is to go to remote areas affected by the storm/flooding. One word for our kababayans, resilient. Ang galing natin mag adjust ng mag adjust," aniya.

Tsika at Intriga

Galit na lumayas! Claudine at utol ni Korina, naghiwalay dahil sa kasambahay?

Ngunit hindi rito nagtapos ang kaniyang mensahe. Binigyang-diin ng Kapuso reporter na hindi dapat palaging resiliency ang sagot ng mga Pilipino sa gitna ng kalamidad.

“Pero, hindi na dapat panay resiliency ngayon. Naabuso na. Gising na po!” dagdag pa niya.

Agad namang umani ng atensyon at papuri ang naturang post mula sa netizens. Marami ang sumang-ayon sa pahayag ni Pertierra na panahon nang higit na bigyang-diin ang solusyon at konkretong aksyon mula sa mga nasa posisyon, at hindi lamang umasa sa kakayahan ng mamamayan na makaahon sa trahedya.

Mainit ang usapin ngayon sa maanomalyang flood control projects dahil sa mga umano'y kickback na natatanggap ng mga politiko, construction company contractors, at opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa "ghost projects" o kaya naman ay substandard na mga materyales at pagkakagawa ng proyekto.

Samantala, ang resiliency naman ay tumutukoy sa kakayahan ng isang tao, grupo, o pamayanan na maka-recover o makabangon mula sa mga pagsubok, sakuna, o krisis, sa kalagitnaan pa rin ng pagiging masayahin at positibo rito.

Sa madaling salita, ito ang pagiging matatag at mabilis makapag-adjust kahit dumaan sa mahihirap na sitwasyon, tulad ng mga Pilipino na kahit madalas tamaan ng bagyo at kalamidad, nakukuha pa ring ngumiti at ipagpatuloy ang buhay.