Hinamon ni incoming Cebu Archbishop Alberto Uy ang mga kabataan na manindigan laban sa talamak na korapsyon sa bansa.
Ayon kay Uy, ang mga kabataan ang kinabukasan at pag-asa ng bayan, kaya’t hindi sila dapat manahimik sa harap ng talamak na korapsyon.
“If corruption continues, it is your future that is stolen—your dreams, your opportunities, your dignity. You are the hope of our nation and the guardians of tomorrow,” anang arsobispo.
Binigyang-diin pa ng arsobispo na ang paglaban sa katiwalian ay hindi lamang usapin ng pamahalaan kundi isang misyong Kristiyano upang isulong ang katotohanan, katarungan, at pag-asa para sa bayan.
“To fight graft and corruption is to defend truth, justice, and the poor. When you stand for honesty, you bring light into the darkness of our society,” dagdag ng arsobispo.
Giit pa ng arsobispo, ang korapsyon ay sumisira sa tiwala ng publiko, nagnanakaw ng yaman ng mga mamamayan lalo na ng mga mahihirap, at nagpapahina sa pundasyon ng lipunan.
Ang mga simpleng gawain, aniya, gaya ng panunuhol sa mga tanggapan, pagbibigay ng regalo kapalit ng pabor, o pandaraya sa paaralan ay nagiging normal sa lipunan at lalo lamang nagpapalaganap ng katiwalian.
Hinikayat rin niya ang mga kabataan na makiisa sa pagbabago ng bansa sa pamamagitan ng pagpili ng mga lider na may integridad, at sa patuloy na pagbabantay at paniningil ng pananagutan sa mga halal na opisyal.
“The healing of our nation begins with the conversion of every citizen. Vote and campaign for leaders who are honest and who care for the poor. We must not only demand accountability from leaders—we must also practice it ourselves,” anang arsobispo.
Naniniwala ang arsobispo na ang aktibong pakikibahagi ng kabataan sa paglilingkod at pagpapanatili ng kaayusan sa lipunan ay kongkretong pagsasabuhay ng pananampalataya at pagtupad sa misyon ni Kristo na magmahal at magmalasakit sa kapwa.