December 13, 2025

Home BALITA National

'Malakas ito!' Wind signal no. 4, posibleng itaas sa paghagupit ni 'Opong'

'Malakas ito!' Wind signal no. 4, posibleng itaas sa paghagupit ni 'Opong'
PAGASA

Posibleng itaas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang tropical cyclone wind signal no. 4 sa paghagupit ng bagyong "Opong."

As of 11:00 AM, huling namataan ang bagyo sa layong 815 kilometers East of Northeastern Mindanao. Kung saan taglay nito ang lakas ng hangin na 85 kilometers per hour at pagbugsong 105 kilometers per hour.

May kabagalan ang paggalaw ng bagyo pa-west northwest sa bilis ng 15 kilometers per hour. 

Sa press conference ng PAGASA, ibinahagi ni weather specialist Benison Estareja na posibleng lumakas pa ang bagyo bilang "typhoon" na may minimum wind speed na 120 kilometers per hour, sa Huwebes ng gabi, Setyembre 25. 

National

Sen. Robin, 'di na trip tumakbo sa Halalan 2028

Sa Biyernes, Setyembre 26, babagtasin ng bagyo ang hilagang bahagi ng Samar hanggang Southern Luzon kabilang ang Bicol Region, CALABARZON, hilagang bahagi ng MIMAROPA, Metro Manila, at Central Luzon, hanggang Sabado ng madaling araw, Setyembre 27.

Samantala, nakataas pa rin sa wind signal no. 1 ang Northern Samar, Eastern Samar, at Samar. 

Dagdag pa ni Estareja, posible pang magtaas ng wind signals sa mas maraming lugar sa Luzon at Visayas, kabilang ang Metro Manila, dahil sa inaasahang paglakas ng bagyo. 

Kaugnay nito, posibleng umabot hanggang signal no. 4 ang itataas nilang wind signal.

"So, ang lakas ng hangin na po na ito ay nasa 120 to 140 kilometers per hour. Malakas po ito, kung ikukumpara natin sa mabilis na tumatakbong sasakyan sa expressway, gano'n po kalakas ang hangin na posibleng maramdaman," ani Estareja. 

Inaasahang lalabas ang bagyo sa Sabado ng gabi o Linggo ng umaga.