Nakatakdang sumulat sa Anti–Money Laundering Council (AMLC) si Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon upang ipa-freeze ang air assets ni Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co na aabot sa halos ₱5 bilyon ang halaga.
Sa isang press conference nitong Miyerkules, Setyembre 24, sinabi ni Dizon na ipapadala nila sa AMLC, Independent Commission for Infrastructure (ICI), at Department of Justice (DOJ), ang report ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) tungkol sa 11 registered air assets ni Co.
"Alam n'yo naman po [na] nagsabi na po ang DOJ kahapon na pinapa-freeze na nila sa AMLC ang assets [ni Zaldy Co]. So, para tulungan natin ang imbestigasyon ng ICI at ng DOJ, susulat na po kami ngayon," saad ni Dizon.
Nauna na nang i-freeze ng AMLC ang assets ni Co, ayon kay DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla sa isinawagang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Martes, Setyembre 23.
Nakatakda na ring maghain ng kaukulang kaso ang National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Co.
KAUGNAY NA BALITA: Zaldy Co, nag-insert umano ng ₱35.24B mula 2022-2025