December 13, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Vice Ganda, nag-react sa umano'y ₱35.24B inserted funds ni Zaldy Co sa Bulacan flood control projects

Vice Ganda, nag-react sa umano'y ₱35.24B inserted funds ni Zaldy Co sa Bulacan flood control projects
Photo courtesy: via MB

Usap-usapan ang naging reaksiyon ni Unkabogable Star Vice Ganda sa ikinanta ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) District Engineer Henry Alcantara na nag-insert umano si Ako-Bicol Party-list Rep. Zaldy Co ng ₱35.24 bilyon sa kabuuang halaga ng flood control projects sa Bulacan mula 2022 hanggang 2025.

Pahayag ni Alcantara sa ginanap na Senate Blue Ribbon Committee hearing, Martes, Setyembre 23, "September 2021, nagkakilala kami ni Cong. Zaldy Co sa isang pagtitipon sa Shangri-La Bonifacio. Doon ay napag-usapan namin ang planong sumubok na magbaba ng pondo para sa aming distrito para sa iba’t ibang proyekto.”

“Pagkalipas ng higit-kumulang isang buwan mula sa aming pagkikita, ako ay nagpasa sa kaniya ng listahan ng mga proyektong may kaugnayan sa flood control at ang mga proyektong ito ay lumabas sa General Appropriation Act (GAA) of 2022,” buking ni Alcantara.

KAUGNAY NA BALITA: Zaldy Co, nag-insert umano ng ₱35.24B mula 2022-2025

Tsika at Intriga

'Parang mga barbaro, taong yungib pa rin mag-isip!' John Arcilla, gigil sa mga bayolente sa aso

Samantala, sa kaniyang X post naman, napa-react si Vice Ganda tungkol dito gamit ang art card mula sa isang social media page.

Saad ni Vice Ganda, DPWH pa lamang ang pinag-uusapan dito, at wala pa sa ibang departamento ng pamahalaan.

"Sa Bulacan pa lang to! Magkano na pag buong Pilipinas? At nakaw pa lng to sa DPWH. Paano pa pag sinama ung sa ibang departments tulad ng Health, Customs, Education etc.? Tapos ung iba kukwestyon bkit ako napamura?" aniya.

"Anu ba dapat ang sabihin ng mga nanakawan?? THANK YOU PO MAM/SIR?!" dagdag pa ng komedyante-TV host.

Photo courtesy: Screenshot from Vice Ganda/X

Matatandaang isa si Vice Ganda sa mga artistang nanguna sa pagboses sa ginanap na "Trillion Peso March" rally kontra korapsyon noong Linggo, Setyembre 21.

Dito ay may direktang hamon ang sikat na personalidad kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.

"Kaya hinahamon ka namin, Pangulong Bongbong Marcos, kung gusto mong magkaroon ng magandang legasiya ang pangalan mo, ipakulong mo lahat ng magnanakaw! Nakatingin kami sa 'yo, Pangulong Bongbong Marcos. At inaasahan ka namin, hindi dahil sa idol ka namin, kundi dahil sinusuwelduhan ka namin at inaasahan natin, na tutuparin mo ang iniuutos naming mga employer mo!"

"Kami ang nagpapasahod sa inyo, tapos na ang panahong natatakot tayo sa gobyerno," giit pa ni Vice Ganda.

KAUGNAY NA BALITA: 'Ipakulong mo lahat ng magnanakaw!' hamon ni Vice Ganda kay PBBM kontra kurakot

Matatandaang si Vice Ganda ay pinarangalan kamakailan bilang isa sa top taxpaying media personality ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at isa sa mga vocal na artista pagdating sa mahahalagang isyu sa lipunan.