December 13, 2025

Home BALITA National

'Sino bang pinatatamaan mo?' Sen. Jinggoy, napikon kay Sen. Kiko sa pagbanggit ng 'Janeth Napoles case'

'Sino bang pinatatamaan mo?' Sen. Jinggoy, napikon kay Sen. Kiko sa pagbanggit ng 'Janeth Napoles case'
Photo courtesy: Senate of the Philippines (YT)

Kinumpronta ni Senador Jinggoy Estrada si Senador Francisco “Kiko” Pangilinan kaugnay sa naging pahayag niya patungkol sa “Janeth Napoles case.”

Patungkol ito sa nauna nang nasabi ni Pangilinan sa naging pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong umaga ng Martes, Setyembre 23, 2025. 

Aniya, “Siguro kung 'yong Napoles cases, nauwi sa halip na absuwelto ay kulong, baka hindi na nangyari itong mas malaking kurakot.” 

Dahil dito, direkta tinukoy ni Estrada si Pangilinan sa plenary session nila sa Senado at sinabing hindi umano siya papayag hangga’t hindi nakapagbibigay ng pahayag sa nauna nang sinabi ng kanyang kapuwa senador. 

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

“I cannot, in good conscience, let the remarks made earlier by our colleague, Sen. Francis Pangilinan during [Senate] Blue Ribbon Committee pass without rebuttal," pagsisimula ni Estrada. 

"His comments, while not naming us directly, were laced with insinuations, clearly aimed at me and former senator Bong Revilla, in the legal ordeals I have already faced,” dagdag pa niya. 

Idiniin ni Estrada na hinarap umano niya ang mga sinampang kaso sa kaniya at pinagdaanan ang paglilitis at pagkakulong sa wastong proseso.  

“Let me put on record. Hinarap ko po ang mga kasong isinampa sa akin. Dumaan ako sa mahabang panahon ng paglilitis, pagkakakulong, at pati na ang mabigat na stigma na idinulot nito[...],” anang senador. 

“Sa huli, napatunayan na walang sapat na mga batayan ang ipinukol sa akin na mga akusasyon[...]” pahabol pa ni Estrada. 

Aniya, hindi siya tutol sa ginagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa maanomalyang flood-control projects.

Ngunit nilinaw niyang hindi niya umano pahihintulutang idikit umano muli ang pangalan niya sa mga maling paratang at maimpluwensiyahan ang publiko laban sa kaniya. 

“Hindi ako tutol sa isinasagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee. Ngunit hinding hindi ko pahihintulutan na ang kasalukuyang issue ay gamitin upang idikit muli sa akin ang mga maling paratang at sadyang impluwensyahan ang opinyon ng publiko[...]” paglilinaw ni Estrada. 

Agad namang sumagot si Pangilinan matapos ng naging manipestasyon ni Estrada. 

Aniya, walang anomang intensyon ang naging pahayag niya sa nasabing komite. 

“For the record, there was no intention on maligning any individual in the manifestation we said earlier during the Committee hearing in the Blue Ribbon Committee. Wala pong personalan[...]

“Humihingi tayo ng unawa. Dahil bago pa ang hearing na ‘yon, tayo ay humarap sa judiciary at doon din pinag-usapan at tinalakay ang problema ng conviction rates[...],” pagtatapos ni Pangilinan. 

Muli namang humingi ng pagkakataong makapagsalita si Estrada. 

“Ang sabi po ni Senator Pangilinan, wala daw siyang binaggit na pangalan. Pero napak-obvious naman po[...], 

“Sino ba ang pinatatamaan mo? It’s very obvious[...], Remember, Senator Pangilinan, that I was acquitted by the Court. Are you questioning the decision of the court? You’re a lawyer, I am not. You shouldn’t be talking that way[...],” pagtatapos ni Estrada. 

Samantala, agad namang sinuspende pansamantala ni Senate President Panfilo “Ping” Lacson dahil sa uminit na tensyon sa pagitan ng dalawang senador. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita