January 27, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Pero sa kanila parang ang dali dali lang ano??' Regine, bumoses kontra 'naglalakihang proyekto'

'Pero sa kanila parang ang dali dali lang ano??'  Regine, bumoses kontra 'naglalakihang proyekto'
Photo courtesy: via MB

Masasabing hindi lang sa musika at entablado matapang si Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid kundi pati na rin sa social media, pagdating sa mahahalagang isyu sa lipunan at bansa.

Sa kaniyang latest X post, ibinahagi ni Ate Reg ang kanilang kasalukuyang pagpaparenovate sa silid ng anak nila ng mister na si Ogie Alcasid, na si Nate.

Ayon sa Songbird, kung tutuusin ay "maliit " na proyekto lamang nilang mag-asawa ito ngunit kompleto ang kontrata at resibo—kaya’t nakapagtataka raw kung bakit ang malalaking proyekto ng gobyerno na nagkakahalaga ng bilyon-bilyon ay tila walang ganoong dokumentasyon.

Aniya, “We are renovating Nate’s room now maliit na halaga lang ito and yet we have contracts we have receipts. Hindi ko maintindihan bat yung naglalakihang proyekto wala? Bilyon [bilyon] tapos cash lahat???? Nagtatanong lang po.”

Tsika at Intriga

Safe na! Mga umano'y 'kinidnap' na anak ni Claudine, nakabalik na sa kaniya

Dagdag pa ng Songbird, ramdam niya ang bigat ng proseso para sa pangkaraniwang Pilipino kapag may kailangang bilhin o ipagawang may kalakihan ang halaga. Kailangan daw ng kolateral, pagsusuri ng bangko, interes, at matinding pagsisikap upang mabayaran buwan-buwan. Kaya’t ikinumpara niya ito sa tila napakadaling paglabas ng pondo sa ilang sektor ng pamahalaan.

"Sa pangkaraniwang mamayan tulad natin pag may gusto tayong bilhin o ipagawa at medyo malakilaking halaga, daan daang proseso ang kailangang pagdaanan. Naroong dapat may kolateral para ma pag desisyunan ng pagkakautangan na ikaw ay karapat dapat."

"Ang interes na pagbabayaran, ang amortization, at ang pangkalahatang pagsisikap na bunuin ang halagang kakailanganin buwan buwan ay di madaling pagdesisyunan. May kaukulang tapang, pagpupursigi, at pananampalataya upang ito ay maisakatapuran. Ganito kahirap makakuha ng pondo para matupad ang pangarap mo. Pero sa kanila parang ang dali dali lang ano??" wika pa ni Regine, kalakip ang isang pusong durog na emoji.

Sumagot naman dito ang mister na si Ogie, "Paano pa kaya mahal yung hindi pa makautang. Walang pangkolateral. Napakalayo ng pagkakaiba."

Photo courtesy: Screenshot from Regine Velasquez-Alcasid (X)

Bagama't walang direktang tinukoy, natunugan ng mga netizen na ang pinag-uusapan ng mag-asawa ay tungkol sa korapsyon at maanomalyang flood control projects, lalo't kaninang Martes, Setyembre 23, ay nagkaroon ulit ng pagdinig ang Senate Blue Ribbon Committee tungkol dito.