Inilabas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 97, na naglalayong siguruhin ang kalayaan ng mga manggagawa na makibahagi sa mga unyon, umanib sa mga asosasyon, at ihayag ang kanilang mga karapatan.
Ibinahagi ng Presidential Communications Office (PCO) sa kanilang website nitong Martes, Setyembre 23, ang mga probisyong nakapaloob sa nasabing EO.
“EO No. 97 adopted the Omnibus Guidelines on the Exercise of Freedom of Association and Civil Liberties, directing government agencies to safeguard workers’ rights to unionize, organize, and engage in peaceful concerted activities in line with the Constitution and international labor standards,” ani PCO.
“The measure reinforces constitutional guarantees protecting workers’ right to self-organization, collective bargaining, and peaceful assembly, addressing concerns raised by the International Labour Organization (ILO), which had called on the Philippine government to act on reported laborers’ concerns,” dagdag pa nila.
Matatandaang noong Hunyo 2019, sa ika-108 sesyon ng International Labor Conference (ILC), itinatag ng ILO ang High-Level Tripartite Mission (HLTM), upang tulungan ang gobyerno ng Pilipinas na lutasin ang ilang isyu ng bansa tulad ng karahasan, red-tagging, at suppression sa trade union rights.
Nagrekomenda rin ito ng agarang aksyon laban sa karahasan sa union activities at pag-iimbestiga sa mga karahasang naranasan ng mga miyembro ng iba’t ibang unyon sa bansa.
Bilang aksyon, binuo ni PBBM ang Inter-Agency Committee for the Protection of the Freedom of Association and Right to Organize of Workers, or the Inter-Agency Committee, na nakalinya sa EO 23.
“The order would also promote and safeguard workers’ rights to freedom of association, self-organization, and collective bargaining, with full regard for human, civil, political, economic, and social rights and liberties,” ani PCO.
Sa ilalim nito, inatasan ang Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Justice (DOJ), Department of National Defense (DND), Department of Trade and Industry (DTI), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), National Security Council, at iba pang key agencies, na ilinya ang kanilang mga polisiya at operasyon sa nasabing order.
Hinihimok din ang mga lokal na pamahalaan, pati ang mga pribadong sektor, na makibahagi at iabot din ang kanilang kooperasyon.
Matatandaang ilang mga grupo, asosasyon, at unyon, ang malayang naipahayag ang kanilang mga hinaing laban sa umano’y malawakang korapsyon sa bansa, sa pamamagitan ng mga pinasimulan nilang kilos-protesta.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga dapat asahan at programang ikakasa sa ‘Trillion Peso March’-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA