Naitala ng Department of Interior and Local Government (DILG) na 7,922 pamilya o 24,788 indibidwal ang agarang na-evacuate sa Northern at Central Luzon, nitong Martes ng umaga, Setyembre 23, dahil sa hagupit ng Super Typhoon “Nando.”
Ayon sa Facebook post ng DILG, ang Rehiyon 2 ang mayroong naitalang pinakamalaking bilang ng evacuees, na may bilang na 5,276 pamilya o 16,396 indibidwal.
Karamihan dito ay mula sa Cagayan na may 4,640 pamilya o 14,380 indibidwal, sumunod ang Isabela na may 490 pamilya o 1,533 indibidwal.
Sa Cordillera Administrative Region (CAR) naman ay may naitalang 891 pamilya o 2,652 indibidwal, karamihan dito ay mula sa Apayao na mayroong 812 pamilya o 2,430, at sa Abra na 58 pamilya o 151 na indibidwal.
Sa Rehiyon 1 naman, ang Ilocos Norte ay mayroong bilang na 756 pamilya o 2,301 indibidwal.
Panghuli sa tala ay ang Rehiyon 3 na mayroong bilang na 352 pamilya o 1,029 indibidwal, karamihan dito ay mula sa Aurora na mayroong 339 pamilya o 986 indibidwal, at sa Nueva Ecija na mayroong 13 pamilya o 43 indibidwal.
Samantala, nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Super Typhoon Nando, ayon sa PAGASA.
KAUGNAY NA BALITA: Super Typhoon Nando, nakalabas na ng PAR; LPA, ganap nang bagyo
Sean Antonio/BALITA