Nagbigay ng reaksiyon ang batikang broadcast-journalist na si Karen Davila kaugnay sa kabuuang halaga ng umano’y insertion ni Ako Bicol Party-list Zaldy Co sa flood control projects
Matatandaang ikinanta ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) District Engineer Henry Alcantara na ₱35.24 bilyon umano ang halaga ng ipinasok ni Co para sa nasabing proyekto mula 2022 hanggang 2025.
Maki-Balita: Zaldy Co, nag-insert umano ng ₱35.24B mula 2022-2025
Kaya sa latest X post ni Davila nitong Martes, Setyembre 23, hinimok niya ang publiko na huwag kalimutan ang isyu.
Aniya, “Mapapamura ka talaga sa galit. Huwag po nating kalimutan ito. Ginawang GATASAN ang gobyerno. Kay Zaldy Co palang umano ito.”
“Isipin niyo ang iba pang congressman na may insertions, cut ng DPWH at mga kontratista. During the senate hearings, estimates are the national budget can do with P1 trillion less. Napupunta lang ito sa kickback, insertions, lagay sa substandard or ghost projects,” dugtong pa ni Davila.
Nauna nang pinangalanan ng contractor na si Curlee Discaya si Co bilang isa sa mga matataas na opisyal na nakakatanggap umano ng malaking porsyento mula sa halaga ng kontrata sa gobyerno.
KAUGNAY NA BALITA: Ilang DPWH offcials, pumuporsyento sa mga Discaya para umano kina Romualdez at Co
Si Co ay dating chairman ng House Committee on Appropriations na kalaunan ay nagbitiw sa posisyon dahil sa kalagayan umano ng kaniyang kalusugan.
Maki-Balita: Rep. Zaldy Co, nagbitiw bilang chairman ng House Committee on Appropriations
Ayon sa huling balita mula kay House Spokesperson Atty. Princess Abante, kasalukuyang nasa labas ng bansa si Co para umano sa medical treatment nito.
Maki-Balita: ‘For medical treatment?’ Rep. Elizaldy Co,kumpirmadong nasa labas ng bansa—House Spox