January 04, 2026

Home BALITA National

'Ibaba ang presyo ng fishball!' ‘Fishball King,’ kumpirmadong nasa kustodiya ng MPD

'Ibaba ang presyo ng fishball!' ‘Fishball King,’ kumpirmadong nasa kustodiya ng MPD
Photo courtesy: Mark Delmor (FB), Maria Sol Taule (FB)

Kumpirmadong nasa loob ngayon ng Manila Police District (MPD) ang viral “Fishball King,” na isa umanong Person with Disability (PWD), na namataan noong Linggo, Setyembre 21, 2025, na nakiisa sa malawakang kilos-protesta laban sa korapsyon. 

Ayon sa Facebook post na ibinahagi ng lawyer mula sa Karapatan Alliance Philippines na si Atty. Maria Sol Taule noong Lunes, Setyembre 22, 2025, nasaksihan niya umano ang maraming magulang ng mga naaresto sa labas ng MPD.

“Napakadami kong nayakap na mga nanay sa labas ng MPD ngayong araw. Pinaghintay sila sa gitna ng bagyo. Hindi nila alam kung nasaan ang anak nila dahil walang binibigay na listahan ang MPD,” panimula ni Taule sa kanyang caption. 

Pagpapatuloy ni Taule, nakita niya ang nanay ng naging usap-usapang “Fishball King" na si Alvin Karingal sa labas ng MPD dala ang gamot na kailangan niyang inumin dahil isa umanong PWD si Alvin. 

National

Leviste, pinuna pagtaas sa ₱18.58B ng MOOE ng Kamara sa 2026 nat'l budget

“Nakita ko ang nanay ni Alvin, alyas “Kwekkwek boy”, umiiyak nanay nya, pinakita ang PWD ID ng anak nya, namukhaan ko agad. Nagmakaawa sakin na ipasok ko ang gamot ng anak niya. May mental health condition si Alvin,” ayon kay Taule. 

Pagkukuwento pa ni Taule, tinangka umanong kunin sa kaniya ng pulisya ang gamot na ipinagkatiwala ng nanay ni Alvin ngunit hindi siya pumayag.  

“Kinuha ko ang gamot pero sinabi ng pulis na sila na lang ang magpapainom. Sabi ko, ako na lang, baka mas magtiwala siya sa akin. Nakausap ko sya, kinamusta, at pinakita ko photo ng nanay niya patunay na nakausap ko sya. Sabi ko: Alvin, ang nanay mo nasa labas hindi ka niya iniiwan,” aniya. 

Pahabol pa ni Taue, “andami nila sa loob.” 

Photo courtesy: Maria Sol Taule (FB)

Photo courtesy: Maria Sol Taule (FB)

Galit naman ang naramdaman ng netizens sa balitang nalaman nila mula sa post ni Taule. 

Anila, ang bilis daw makulong ng mga taong may ipinaglalaban kagaya ni Taule habang talamak ang korapsyong nagaganap sa gobyerno. 

Narito ang ilang komento na iniwan ng mga tao sa naturang post ni Taule: “Magn4kaw, at sc4m ka ngayon or sa mga susunod na araw, at ang dali mo lang makukulong. Pero yung mga corrupt na contractors at politicians abutin ng napakatagal na panahon hanggang sa makalimutan na lang at di pa rin makulong kulong. Pinaglalaruan na lang tayo ng gobyerno nakakasawa na!”

“Tapos yung mga kurap malabo pang makulong? I really wanna flee this country.” 

“Kamusta mga corrup masaya ba kayo makita ang mga nakukulong ay yung mga taong pinahirapan ninyo mga walang kunsensya.” 

“Yung mga may pinag lalaban lang kinukulong samantalang yung mga may pwesto harap harapang nag nanakaw iniimbistigahan parin?” 

“Nakakadurog ng puso, halimaw at pasista ang mga PNP-SWAT, hindi na nila lubos na naiintindihan ang dapat ay tungkuling paglingkuran ang mamamayan, nalunod na sila sa utos at atas ng pinuno nilang kurakot at Korap na opisyal sa pamahalaan!” 

“Ilang mob ko nang nasaksihan 'yan si Alvin. Kahit noong Nat'l Day of Action namin, sumasama lang 'yan. Infairness, di naman nananabotahe. Ni hindi naman nambato 'yan. May video pa akong nakita na nakataas kamao lang naman 'yan sa harap ng mga pulis kagabi, pero never nakisali sa mga nambato! Nasan na 'yung bag niya kaya? Kahapon, may bitbit na backpack 'yan e. Nung dinampot na siya, wala nang backpack!”

Ibinahagi rin ng abogado sa sa hiwalay na Facebook post ang tala ng bilang ng mga naaresto na kanilang na-verify sa loob ng MPD. 

Aniya, siyam (9) na anyos ang pinakabatang naitala nila nasa ilalim ng kustodiya ng pulisya. 

“Today is the inquest of the 200 plus arrested individuals during the Sept 21 protest. Youngest arrested by the PNP according to the list they handed to us yesterday is 9 YEARS OLD. 9 YEARS OLD,” pagdidiin ni Taule. 

Samantala, wala pa namang balita mula sa pulisya kung papalayain nila ang mga naaresto sa naganap na kilos-protesta noong Linggo. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita