Nagkasundong magsanib-puwersa ang mga ahensya ng Commission for Infrastructure (ICI) at Mayors for Good Governance (M4GG) para imbestigahan ang mga maanomalyang proyekto sa imprastraktura sa bansa.
Ayon sa inilabas na pahayag ng M4GG sa kanilang Facebook page nitong Martes, Setyembre 23, 2025, makikitang pinagtibay nila ang Memorandum of Understanding (MOU) na magsisilbi umanong tugon para isulong ang transparency, accountability, at hustisya para sa mga korapsyong talamak ngayon sa gobyerno.
“Pinagtibay ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Mayors for Good Governance (M4GG) ang isang Memorandum of Understanding (MOU), na naglalayong pagsamahin ang kanilang mga puwersa upang siyasatin ang mga maanomalyang proyekto sa imprastraktura sa buong bansa.
“Ang makasaysayang pagtutulungang ito ay tugon sa lumalawak na panawagan para sa transparency, accountability, at hustisya sa likod ng mga korapsyon sa proyekto ng pamahalaan,” ayon sa M4GG.
Makikita sa mga larawan sina Pasig City Mayor Vico Sotto, Quezon City Mayor Joy Belmonte, at Isabela City Mayor Sitti Hataman na silang kumakatawan sa M4GG habang naroon din sina Justice Andres Reyes Jr., dating DPWH Sec. Rogelio Singson, SGV Country Managing Partner Rossana Fajardo, at Baguio City Mayor Benjie Magalong para kumatawan sa ICI.
Anila, sa tulong MOU, magkakaroon sila ng sistematikong kolaborasyon sa pagpapalitan ng mga ebidensya, datos, dokumento, ulat, at testimonya para mas maging madali at malinaw ang mga imbestigasyong kanilang gagawin para sa maanomalyang mga proyekto sa imprastraktura.
“Saklaw ng MOU ang malawakan at sistematikong kolaborasyon, kabilang ang pagpapalitan ng mga ebidensya tulad ng data, dokumento, ulat, at testimonya. Hinihimok din ng kasunduan ang mga miyembro ng M4GG na aktibong tumulong sa ICI sa iba’t ibang paraan, tulad ng pagsasagawa ng joint site inspections at crowd-sourcing endeavors.
“Magtatatag din ang M4GG ng isang Whistleblower Hotline upang maging tulay sa mga opisyal ng pamahalaan, contractors, at insiders na magbigay ng mahahalagang impormasyon hinggil sa mga anomalya.
“Sa ilalim ng kasunduan, magtutulungan din ang M4GG at ICI sa pagtukoy ng mga iregularidad at kakulangan sa mga proyekto at sa paghahain ng nararapat na rekomendasyon para sa paglutas ng mga ito,” paliwanag ng M4GG sa kanilang post.
Pahabol pa nila, malaki ang papel na kailangang gampanan ng mga local government units (LGU) at mga alkalde para maisulong ang isang epektibong sistema sa pagpapatupad ng mga susunod na proyektong pang-imprastraktura,
“Ipinapakita ng partnership na ito ang kritikal na papel ng mga local government units (LGU) at mga alkalde na nagtataguyod ng good governance sa pagsusulong ng isang malinis at epektibong sistema sa pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastruktura, na para sa ikabubuti ng sambayanan,” pagtatapos nila.
Mc Vincent Mirabuna/Balita