Pormal nang naghain ng 3 counts of murder ang Deputy Prosecutors ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa dokumentong inilabas ng ICC noong Lunes ng gabi, Setyembre 22, nakalatag ang tatlong tuntungan ng kaso kabilang ang patayan sa Davao City sa ilalim ng panunungkulan ni Duterte bilang alkalde na umabot sa 19 ang biktima, pagpatay sa 14 na “high-value targets” sa buong Pilipinas sa panahon ng panunungkulan niya bilang Pangulo, pagpaslang at tangkang pagpaslang sa mga barangay clearance operation sa Pilipinas mula 2016 hanggang 2018.
"Duterte is individually criminally responsible pursuant to article 25(3)(a_ of the Rome Statute for the crimes charged in Counts 1 to 3 as he committed them as an indirect co-perpetrator," mababasa sa dokumento ng ICC.
Matatandaang Marso 11, 2025 nang silbihan si Duterte ng warrant of arrest mula sa ICC para sa crimes against humanity kaugnay ng war on drugs sa ilalim ng administrasyon nito.
Kasalukuyang nakapiit ang dating pangulo sa ICC detention center sa The Hague, Netherlands.
Nakatakda sana ang confirmation of charges ni Duterte ngayong Setyembre 23 hanggang Setyembre 26 ngunit pansamantala itong ipinagpaliban dahil wala umano siyang kakayahang humarap sa trial.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD