Sinabi ni Sen. Joel Villanueva na nakahanda umano siyang magpaimbestiga kaugnay pa rin sa pagkakasangkot niya sa isyu ng maanomalyang flood control projects, matapos mabanggit ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan First District Engineer Henry Alcantara ang kaniyang pangalan, sa muling pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Martes, Setyembre 23.
Ilan pa sa mga dat at kasalukuyang senador at kongresistang nabanggit ay sina Sen. Jinggoy Estrada, dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr., at Ako Bicol Rep. Zaldy Co na hanggang ngayon, hindi pa humaharap sa alinmang pagdinig ng komite.
Ayon kay Alcantara, isa raw si Villanueva sa mga senador na nakatanggap ng kickback mula sa flood control projects bagama't sa anyo raw ng isang multi-purpose hall. Ang umano'y aktuwal na inilaan ay ₱600 milyon lamang, na kinuha mula sa pondong nakalaan umano sa flood control sa ilalim ng unprogrammed funds.
Gayunman, nilinaw ni Alcantara na walang kaalaman si Villanueva na ang pondo ay nagmula sa flood control.
Bukod dito, umamin din si Alcantara na siya mismo ang nagdala ng ₱150 milyon sa isang resthouse sa Bulacan para sa isang tauhan ni Villanueva na kilala lamang sa pangalang “Peng.”
KAUGNAY NA BALITA: Henry Alcantara, 'di obligadong magbigay ng kickback sa main office
Sa kaniyang manifestation speech sa sesyon ng Senado bandang hapon, muling pinabulaanan ni Villanueva ang mga bintang sa kaniya, at nakahanda raw siyang sumailalim sa imbestigasyon dahil wala raw siyang itinatago.
"Earlier today, during the hearing of the Blue Ribbon Committee, my name was once again mentioned by District Engineer Henry Alcantara... let me state this clearly, “I am fully prepared to be investigated on these allegations. I have nothing to hide and I welcome any inquiry that will bring out the truth," aniya.
Dagdag pa ng senador, "If we carefully review what transpired this morning, it was clear, very clear from Mr. Alcantara’s own statement... that hindi po ako nag-request ng kahit anong flood control project. Sinabi rin po niya, wala akong alam, at hindi rin po ako ako kailanman sinabihan tungkol sa mga proyektong ’yan, ang request po ng representasyong ito ay multi-purpose buildings para sa aking mga kababayan sa Bulacan, at hindi po flood control," aniya pa.
Binanggit din ni Villanueva ang sinabi ni Alcantara na may "tulong" daw na ipinaabot ang huli para sa una, subalit hindi personal na iniabot sa kaniya.
"Siya na rin po ang nagsabi na wala po akong alam tungkol doon," giit pa ng senador.
Nasabi na lang tuloy ng senador na para bang basta na lamang banggitin ang pangalan nila para idawit at "mema" o may masabi lang.
"I am ready Mr. President [Tito Sotto III] and my office to be investigated, that the truth may come out," aniya pa.