December 14, 2025

Home SHOWBIZ

'Hindi deserve ng mga Pilipino 'to!' Ninong Ry, dismayado sa nararanasang baha ng mga Pinoy

'Hindi deserve ng mga Pilipino 'to!' Ninong Ry, dismayado sa nararanasang baha ng mga Pinoy
Photo courtesy: Ninong Ry (FB)


Inihayag ng sikat na chef at content creator na si Ninong Ry ang kaniyang mga sentimyento hinggil sa nararanasang baha ng karamihan sa bansa, na aniya, hindi deserve ng mga Pilipino.

Ibinahagi ni Ninong Ry sa kaniyang Facebook post noong Lunes, Setyembre 22, na halos naging parte na ng buhay nila ang baha, at dumating sa puntong tinanggap na lamang nila na ito ang nangyayari.

“Buong buhay ko, binabaha na kami. Mahirap, pero naging parte na ng buhay namin. Akala ko parte lang talaga ng buhay. Natutunan naming tanggapin. Natutunan naming mag-adapt. Natutunan naming lunukin na lang ang sama ng loob kasi wala, ganun talaga e,” ani Ninong Ry.

“Pero ganun nga ba talaga? Dapat ba ganito kahirap? Dapat ba ganito kasalimuot? Tumanda akong matibay dahil dito. Hindi lang ako. Pati ang milyong-milyong mga Pilipino. Kaso ang tanong, oo kaya natin, pero deserve ba natin?” dagdag pa niya.

Ibinunyag niya rin na ang mga posts nila tungkol sa baha ay totoong iniiyak niya, salungat sa akala ng marami na ito ay tinatawanan lang umano nila.

“Nakikita nyo sa mga post namin tungkol sa baha na parang tinatawanan lang namin. Na para bang sanay na sanay na kami. Na para bang okay lang. Ang totoo, hindi. Naiiyak ako sa napakaraming pagkakataon na kinailangan ko ulit na magsimula,” anang chef.

“Bili ng bagong gamit. Pagawa ng motor. Mga family album na inanod. Malaki ang perang nawawala tuwing baha pero pu**a, hindi lahat nabibili ng pera,” dagdag pa niya.

Inihayag niya ring bilang mga taong nagbabayad ng buwis, masakit umano sa loob ng maraming Pilipino ang nangyayari ngayon.

“Isa, dalawang beses, baka ok lang e. Minsan delubyo talaga. Pero yung ganito? Yung paulit ulit na? Di natin deserve ‘to. Tas biglang lalabas ang issue na ang lintik na budget pala para hindi maranasan tong mga bagay na to e napunta lang sa mga taong sakim? Ang sakit sa loob ko. Ang sakit sa loob natin. Bilang mga taong nagbabayad ng buwis, para tayong iniputan sa ulo. Uulitin ko. Hindi natin deserve to,” aniya.

“Tas manonood ka ng hearing. Pinipilit mong maging updated sa mga bagay bagay. Bakit? Siguro para may mapaglagyan lang ang sama ng loob natin tapos mapapatanong ka. Bakit ang komplikado? Bakit ang gulo? Bakit daig pa nito ang game of thrones? Ano ba talaga ang totoo?” kuwestiyon pa niya.

Ibinahagi niya ring kahit noon pa, vocal na siya pagdating sa isyu ng baha, sapagkat ito ay masakit para sa kaniya; kung kaya’t idinadaan niya lang ito sa nakatutuwang paraan, sa pag-asang mapansin ito ng mga nasa kapangyarihan.

Aniya pa, iba na rin umano ang epekto ng malamig na simoy ng hangin sa kanila. Kung dati, nakatutuwa ito, ngayon, may katambal na raw itong nerbiyos.

“Dati pag sumisimoy ng malamig ang hangin e nakakatuwa. Malamig e. Ngayon, nerbyos na ang katambal nyan. Mauubos na naman ba ako? Naitaas na ba ang mga gamit na kayang itaas? E yung ref? Bibili na naman ba ako? Yung mga album? Ah wala, ubos na nga pala nung nakaraang baha.”

Inihayag niya rin ang nararamdamang galit na may halong lungkot, sapagkat naniniwala umano siyang hindi ito talaga deserve ng mga Pilipino.

“Hindi deserve ng Pilipino to. Hindi natin deserve na paulit ulit anurin. Hindi. Pinagdadasal ko na sana kung sino man ang mga taong nasa likod nito e magbayad. Kaso putek nagawa na yung mga projects e. Pag inayos kailangan ulit ng budget. Saan kukunin ang budget?? Sa’tin pa din,” anang chef.

Relasyon at Hiwalayan

‘Totoo na!’ Kiray Celis, kinasal na!

“Galit na may katambal na lungkot ang nararamdaman ko. Walang mapaglagyan. Hindi ako makatulog. Sila kaya, nakakatulog pa? Tama na to. Hindi natin deserve to. Ayusin nyo to. Hindi namin deserve to,” dagdag pa niya.

Vincent Gutierrez/BALITA