December 13, 2025

Home SHOWBIZ Relasyon at Hiwalayan

Gerald Anderson, itinangging si Vanie Gandler dahilan ng hiwalayan nila ni Julia Barretto

Gerald Anderson, itinangging si Vanie Gandler dahilan ng hiwalayan nila ni Julia Barretto
Photo courtesy: Gerald Anderson (IG), Vanie Gandler (IG), Julia Barretto (IG)

Nagbigay ng pahayag ang aktor na si Gerald Anderson kaugnay sa usap-usapang ang professional volleyball player na si Vanie Gandler ang naging dahilan umano ng paghihiwalay nila ng aktres na si Julia Barretto. 

Ayon sa inispluk ng showbiz insider na si Ogie Diaz sa kaniyang Ogie Diaz Showbiz Updates nitong Lunes, Setyembre 22, 2025, tumawag umano sa kaniya si Gerald para linawing wala raw katotohanan ang intriga ng netizens na may namamagitan sa kanila ni Gandler. 

“Una na d’yan ang kaniyang naging paglilinaw na hindi si Vanie Gandler ang dahilan [ng kanilang paghihiwalay]. Matagal na raw itong Vanie Gandler issue pero ito’y wala raw katotohanan talaga,” panimula ni Ogie. 

Pagkukuwento pa ni Ogie, sinabi umano ni Gerald na hindi niya personal na kilala si Gandler at hindi raw sila nag-uusap kahit sa text messages. 

Relasyon at Hiwalayan

Gulat yarn? Coco, biglang tinuka si Julia sa ABS-CBN Christmas Special

“Hindi niya nga raw ito kilala ng personal o nakakausap o nakaka-text, nakakatawagan, wala. Nanonood lamang daw siya ng volleyball pero hindi para tutukan si Vanie, ini-link lang siya dito,” anang Ogie. 

Paglilinaw umano ni Gerald, may iba pang dahilan ang paghihiwalay nila ni Julia at inako rin niyang siya ang may kasalanan kung bakit sila humano humantong sa hiwalayan. 

“Sinabi ni Gerald na iba ang dahilan at inako rin niya na siya ang may kasalanan ng break up nila ni Julia pero hindi na ito idinetalye pa ni Gerald,” ‘ika ni Ogie. 

Anang Gerald, durog na umano siya sa mga binabatong batikos at hiling niyang matigil na ito. 

“Tumawag lang daw siya sa amin para sabihing walang kinalaman ang volleyball player. Durog na durog na siya sa mga naglalabasang bashings sa kaniya kaya sana raw ay matigil na ang issue,” saad ni Ogie. 

Suhestyon naman ni Ogie, mas maganda raw kung may maririnig silang pahayag mula kay Gandler pero mukha umanong hindi niya pinapansin ang kumakalat na issue. 

“Maganda rin na maibigay ni Vanie ang kanyang side para malinaw ang issue. Although, feeling ko, wapakels si Vanie. As in, unbothered and dedma pa rin sa issue. Pero wait pa rin natin si Vanie, baka may hatid ding pa-statement ang volleyball player,” pagtatapos ni Ogie. 

Matatandaang kinumpirma mismo ng Star Magic ang naging hiwalayan ng kanilang artists na si Gerald at ng girlfriend niya na si Julia noong Setyembre 18, 2025. 

KAUGNAY NA BALITA: Gerald Anderson at Julia Barretto, kumpirmadong hiwalay na!—Star Magic

Mababasa sa opisyal na social media page ng talent arm management ng ABS-CBN ang tungkol sa hiwalayan ng dalawa.

Mababasa, "Star Magic confirms that Gerald Anderson and Julia Barretto have mutually decided to end their relationship."

"We request the public to respect their decision and refrain from spreading false narratives[...]"

Samantala, parehas pa namang inilalabas na pahayag sina Julia at Gandler kaugnay sa mga sinabi ni Gerald. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita