Inamin ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) assistant district engineer Brice Hernandez na substandard umano ang lahat ng kanilang proyekto sa Bulacan.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Martes, Setyembre 23, inusisa si Hernandez ni Senador Bam Aquino kaugnay sa kalidad ng kanilang proyekto.
“Brice, sinasabi mo lahat ng proyekto n’yo substandard?” tanong ni Aquino.
“Opo, your honor,” sagot ni Brice. “Kasi lahat po ‘to may obligasyon na kailangang itago. [...] Hindi po name-meet kung ano po ‘yong eksaktong nasa plano, your honor.”
Ayon kay Hernandez, kabilang umano ang flood control structure, gusali, kalsada, silid-aralan sa mga proyektong hinawakan nila ni dating DPWH district engineer Henry Alcantara na maituturing bilang substandard.
Bukod dito, inamin din ni Brice na wala umano silang naging matinong proyekto na hindi nabahiran ng porsiyentuhan mula 2019 hanggang 2025.
“Wala pong tumama. Kung ano po ‘yong naka-specify do’n sa plano, hindi po na-meet lahat ‘yon,” anang engineer.