Isiniwalat ni dating DPWH District Engr. Henry Alcantara na nakatanggap umano si dating Senador Bong Revilla ng pera mula sa flood control projects bilang "tulong" umano sa kandidatura ng huli.
Nabanggit ni Alcantara sa kaniyang sinumpaang salaysay ang tungkol kay Revilla sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Martes, Setyembre 23, kaugnay sa maanomalyang flood control projects sa bansa.
"Ayon kay [dating DPWH] Usec. [Roberto] Bernardo ang GAA insertions noong 2024 na nagkakahalaga ng P300M ay para kay Senator Ramon "Bong" Revilla Jr. na noon ay kumakandidato bilang senador para sa 2025 senatorial elections," saad ng dating DPWH District Engineer.
"Sinabihan ako ni Usec. Bernardo na 'Henry kay Sen. Bong yan baka gusto mo tumulong sa kanya e dagdagan mo ang proponent ikaw na bahala!' Sinabi ko po kay Usec. Bernardo na 'Sige po boss wala po problema!' Kaya po imbes na 25% ay naging 30% ang naging proponent ng nasabing mga proyekto bilang tulong ko na din sa kandidatura ni Sen. Bong Revilla," dagdag pa ni Alcantara.
Gayunman, giit pa niya, hindi niya raw nakausap kailanman si Revilla.
"‘Yon po ay ayon kay Usec. Bernardo. Never ko pong nakakausap si Senator Bong Revilla, never po," ani Alcantara.
Bukod kay Revilla, nabanggit din ni Alcantara sina Senador Joel Villanueva, Senador Jinggoy Estrada, at Ako-Bicol Rep Zaldy Co na mga nakakuha umano ng kickback at insertions sa flood control projects.
Nakipag-ugnayan ang Balita kay Revilla upang hingang ng pahayag hinggil sa isiniwalat ni Alcantara.