Minsan ba napapaisip ka kung kailan ba sasapit ang araw kung saan halos pantay ang oras ng araw at gabi sa mundo? Marahil nagtataka ka dahil halos araw-araw, tila ang labong mangyari na magpantay ang oras ng araw at gabi.
Ngunit napatunayan na ang siyensiya sa likod nito, na may araw ngang dumarating na halos pantay ang oras ng araw at gabi, at ito ay tinatawag na “Equinox.”
Kahulugan ng Equinox
Ang Equinox ay isang pangyayari sa buong taon kung saan ang sentro ng araw ay direktang nasa itaas ng Equator ng mundo, na nagreresulta sa halos pantay na oras ng araw at gabi. Ang Equinox ay hango sa mga salitang Latin na “aequus” na nangangahulugang “equal,” at “nox” naman na ang ibig sabihin ay “gabi.
”May dalawang uri ng Equinox, ito ay ang “Vernal Equinox,” kung saan nagaganap tuwing Marso, at ang “Autumnal Equinox,” na nangyayari naman tuwing buwan ng Setyembre.
Ang axis ng Earth ay naka-tilt nang 23.5 degrees, na nagiging dahilan sa iba’t ibang bansa na makaranas o makatanggap ng iba-ibang lebel o dami ng sikat ng araw. Ngunit mayroong parte ang orbit nito kung saan ang araw ay lumiliwanag nang direkta sa taas ng Equator ng mundo, na tumatapat tuwing Marso at Setyembre, kung kaya’t may araw sa mga buwang ito na halos pantay ang haba ng araw at gabi.
Epektong dulot ng Equinox
Dahil sa pagpatak ng Autumnal Equinox ngayong Martes, Setyembre 23, halos pantay ang haba ng araw at gabi, sa parehong Northern at Southern Hemisphere ng mundo.
Dahil dito, magsisimula na ring mag-adjust ang Earth papunta sa panahon ng Winter Solstice, na papatak sa Disyembre 21. Habang binabaybay ng mundo ang petsa mula Setyembre 23 hanggang Disyembre 21, paunti-unting umiiksi ang araw, at mas humahaba naman ang gabi.
Matapos ang Winter Solstice, magaganap naman ang Vernal Equinox matapos ang tatlong buwan, at iyon ang punto ng pagsisimula ng mas mahabang araw at mas maiksing gabi.
Sa pagsapit ng Autumnal Equinox, nagsisimula na ang “cool dry season” sa Pilipinas, na madalas pumapatak tuwing Ber Months hanggang sa unang buwan ng sunod na taon. Dulot nito, humihina ang bugso ng southwest monsoon (Habagat) at patuloy naman ang paglakas ng bugso ng northeast monsoon (Amihan), na magdadala ng mas malamig na klima sa bansa.
KAUGNAY NA BALITA: Mas malamig na panahon at mas mahabang gabi, dapat nang asahan-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA