December 13, 2025

Home FEATURES BALITAnaw

ALAMIN: 21 o 23 ng Setyembre, anong petsa ba ang opisyal na deklarasyon ng Martial Law?

ALAMIN: 21 o 23 ng Setyembre, anong petsa ba ang opisyal na deklarasyon ng Martial Law?
Photo courtesy: MB

Ang pamumuno ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang isa sa mga itinuturing na pinaka-kontrobersyal na administrasyon sa kasaysayan ng bansa para sa karamihan dahil sa dalawang dekada niyang pamumuno at pagbababa ng Martial Law mula taong 1972 hanggang 1981. 

Ayon sa Elton B. Stephens Company (EBSCO), nilayon ni dating Pangulong Marcos Sr. na gumawa ng “New Society” sa ilalim ng “constitutional authoritarianism,” kung saan, tiniyak niyang magdadala ng economic reform sa bansa. 

Gayunpaman, ang mga pagtutol dito ng karamihan ay umano’y nagresulta ng malawakang politikal na pagsisiil at abitraryong panghuhuli, kabilang ang ilang mga lider at mamamahayag. 

Sa kasalukuyan, ginugunita ang ika-53 anibersaryo nito, at taliwas sa kaalaman ng karamihan, ang opisyal na deklarasyon ng Martial Law ay isinagawa noong ika-23 ng Setyembre 1972, hindi sa ika-21. 

BALITAnaw

BALITAnaw: Si Andres Bonifacio bilang unang biktima ng 'election related violence'

Ayon sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP), habang lahat ng opisyal na dokumento tungkol sa Martial Law ay postdated ng Setyembre 21, 1972, ang pag-anunsyo nito sa telebisyon ay Setyembre 23, 1972. 

Sa lathala rin ng NHCP, Mayo 17, 1969 ay ibinahagi na ni dating Pangulong Marcos Sr. ang ideya ng Martial Law, sa kaniyang talumpati sa closing dinner kasama ang Philippine Military Academy Alumni Association.

“One of my favorite mental exercises, which others may find useful, is to foresee possible problems one may have to face in the future and to determine what solutions can possibly be made to meet these problems.” 

“For instance, if I were suddenly asked, to pose a given situation, to decide in five minutes when and where to suspend the privilege of the writ of habeas corpus, I have decided that there should be at least five questions that I would ask, and depending on the answers to these five questions, I would know when and where to suspend the privilege of the writ of habeas corpus.”

“The same thing is true with the declaration of martial law…. It is a useful mental exercise to meet a problem before it happens,” pagbabahagi niya sa kaniyang talumpati. 

Pebrero 19, 1970, muling binanggit ng dating Pangulo ang kaniyang plano, sa layong matuldukan ang rebelyon ng mga estudyante sa kasagsagan ng “First Quarter Storm.” 

Ayon din kay dating Justice Sec. at ngayo’y Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, si dating Pangulong Marcos Sr. ay maigi nang nagpaplano sa implementasyon ng Martial Law noong Disyembre 1, 1969 pa lamang, (NHCP). 

Noong mga panahon daw na iyon, binigyan ni Marcos Sr. ng direktiba si dating Justice Sec. Enrile ng “discreet and confidential” na pag-aaral sa legal basis ng Martial Law alinsunod sa Konstitusyon ng 1935.

Enero 1, 1970, isinumite ng legal team ni Enrile ang nag-iisang kopya ng kanilang pag-aaral kay Marcos Sr., ngunit sa kaniyang memoir o talang-gunita noong 2012, kinumpirma ni Enrile na ang mga draft ng Martial Law issuances ay kaniyang naisumite sa lamesa ng dating Pangulo noong Disyembre 30, 1971. 

Ayon pa sa tala ng NHCP, Setyembre 18, 1972 pa lamang ay napag-usapan at nakumpirma na ng dating Pangulo kasama ang kaniyang ilang opisyales na Setyembre 21 ang petsa ng pagsasailalim ng bansa sa batas-militar. 

Ibinahagi ng mamamahayag na si Primitivo “Tibo” Mijares na naging kalkulado ni Marcos Sr. ang deklarasyon ng Martial Law para maiwasan ang implikasyon na agad niyang ipinasara ang Kongreso. 

“The timing of the imposition of martial law was heavily dependent on Congress being in session and Senator Aquino being available for the planned arrest. Marcos’ sense of history told him that, even after the declaration of martial law, Congress must be allowed to hold at least one session before it is gavelled to adjournment, in order that history can record the fact that Marcos did not close the lawmaking branch of government by his proclamation of martial law. His thinking then had something to do with his plans for the Constitutional Convention,” pahayag ni Mijares. 

Gayunpaman, ang planong deklarasyon ng Martial Law sa Setyembre 21 ay naantala dahil nagpulong ang Kongreso hanggang hatinggabi ng Setyembre 23. 

Ilang buwan matapos ang deklarasyon ng Martial Law, ipinaliwanag ni dating Pangulong Marcos Sr. sa mga historiador sa Philippine Historical Association na bagamat siya’y lumabas sa telebisyon para opisyal na ideklara sa publiko ang implementasyon ng Martial Law, ang dokumentong pinirmahan niya noong Setyembre 17 ay may direktibang i-postdate ito ng Setyembre 21, (NHCP). 

KAUGNAY NA BALITA: BALITAnaw: Ano ang naging gampanin ng kabataan noong Martial Law?

Sean Antonio/BALITA