Kinumpirma ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso na 216 na indibidwal ang kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulisya dahil sa riot na na nangyari sa Maynila noong Linggo, Setyembre 21.
Sa isang panayam nitong Martes, Setyembre 23, binanggit ng alkalde na 127 adults at 89 na kabataan ang bumubuo sa bilang na ito, 67 dito ay klasipikado bilang “children in conflict with the law” (CICL), habang 24 ang kinikilalang “children at risk” (CAR).
Ayon pa kay Domagoso, sa pagbubukod sa 24 CAR sa kanilang kustodiya, ang mga kasong isasampa sa mga naaresto ay batay sa paglabag ng mga ito sa Batas Pambansa Blg. 880 (The Public Assembly Act of 1985), Article 146 of the Revised Penal Code (Illegal Assembly), Article 148 (Assault against a person in authority and their agent), at Article 151 (Resistance and Disobedience).
Habang ang ilan pang kaso katulad ng malicious mischief, arson, physical injuries, and inciting to sedition ay nasa pagsusuri pa.
Hinikayat din ni Domagoso ang Kongreso na ikonsiderang gumawa ng mga panukalang batas para bigyan ng karampatang aksyon ang pagkakabilang ng minors sa mga riot at iba pang kaguluhan.
Nanawagan din siya sa mga magulang ng mga naaresto na makipagtulungan sa mga otoridad.
“Kung ako sa inyo, kausapin niyo na ang mga anak ninyo at tulungan ang mga pulis na ituro kung sino ang mga tao behind this. Kung hindi, kayo lang ang babalikat sa problemang binigay ninyo sa Maynila na inyong pananagutan sa batas,” aniya.
Sa kabilang banda, kasakulukuyang iniimbestigahan ng mga otoridad ang mga umano’y posibleng pasimuno at funders ng mga nasabing panggugulo, kabilang umano rito ang isang abogado, Filipino-Chinese businessman, at isang politiko.
KAUGNAY NA BALITA: Dating politiko, isang abogado, nasa likod umano ng riot sa Mendiola—Mayor Isko
Binanggit din ni Domagoso na maaari ding kabilang sa motibasyon ng mga ito ay dibersyon ng atensyon mula sa mga isyu ng korapsyon o para ipagsawalang-bahala ang mga raliyistang tunay na may pinaglalaban.
“Maybe to create chaos and destroy credibility, to make an impression that these people are rowdy,” saad niya.
Tinatayang ₱692,785.64 ang halaga ng mga nasirang public property sa Maynila tulad ng traffic signal facilities at limang intersections sa kahabaan sa Recto Ave.
Ang kasalukuyang assessment na ito ay parte pa lamang raw ng isinasagawang pagbibilang ng Manila LGU (local government unit).
“Maybe in a week or ten days from now, mato-total na natin ang danyos,” saad ng alkalde, at tiniyak din niya na ang mga sira sa pampribado at pampublikong kagamitan at establisyemento ay ipapataw sa mga may kaugnayan sa kaguluhan.
KAUGNAY NA BALITA: 'Bakit parang adik ‘tong mga nandidito?' Yorme, ikinumpara mga raliyistang nasa Recto at Luneta
Sean Antonio/BALITA