Kinondena ni Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Atty. Leila de Lima ang nangyaring riot sa Maynila sa kasagsagan ng malawakang kilos-protesta kontra korapsyon.
Sa kaniyang Facebook post nitong Lunes, Setyembre 22, 2025, iginiit ni De Lima na hindi raw 'yon ang inaasahan nilang mangyayari sa paniningil sa mga korap sa gobyerno.
"I condemn the violence at Mendiola. This is not what we aimed for in going to the various rallies yesterday against corruption and the plunder of government infrastructure projects. This is not how we deal with disgust at people who steal billions while millions go hungry," saad ni De Lima.
Iginiit din ni De Lima na hindi rin daw dapat naranasan ng pulisya ang dahas na kanilang inabot na pananakit at panghaharas mula sa grupo ng mga kabataan.
"I am impressed by their patience and display of maximum tolerance. You did not deserve to be at the receiving end of the violence. Hindi naman kayo ang mga nagnakaw sa mga raliyista at kanilang mga pamilya," saad ng kongresista.
Kinuwestiyon din ni De Lima ang tila kapuwang mga biktima na lamang daw ang nagkakasakitan habang pilit na ipinanawagan ang panangutan laban sa nga magnanakaw sa gobyerno.
"Hindi puwedeng kahit kanino na lang pwede ibaling ang poot. Lalong lalo na, hindi sa pulis. Hindi sila ang mga magnanakaw. Sa katotohanan, pare-pareho kayong biktima ng mga magnanakaw. Bakit kayo-kayo ang nagsasakitan?" aniya.
Dagdag pa niya, "Kung hindi ka isa sa mga Discaya, Alcantara, o sa iba pang sangkot na mga mambabatas at opisyal ng gobyerno, kasama ka sa mga biktima. Hindi dapat tayo ang nagsasakitan."
Matatandaang nauwi sa gulo ang demonstrasyon sa Mendiola, Recto at Quezon Boulevard sa Maynila matapos magkainitan ang hanay ng mga raliyista at pulisya kung saan ilang mga government property ang sinira ng mga demonstrador.
Ayon kay Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso, isang dating politiko raw at abogado ang nasa likod ng nangyaring kaguluhan.
KAUGNAY NA BALITA: Dating politiko, isang abogado, nasa likod umano ng riot sa Mendiola—Mayor Isko