Magkakasamang pumunta sina Kabataan Partylist Rep. Renee Co, ACT Teacher’s Partylist Rep. Antonio Tinio, at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago sa presinto upang bisitahin ang ilang kabataang naaresto ng mga pulisya.
Ayon sa inilabas na pahayag ng Kabataan Partylist at Gabriela Women’s Partylist sa kanilang Facebook page nitong Lunes, Setyembre 22, 2025, makikita sina Rep. Co, Tinio, at Elago na nasa presinto ng Manila Police District (MPD).
Layunin nilang alamin ang sitwasyon ng kabataan matapos umanong hindi payagang papasukin ang mga magulang at bisita nila sa MDP.
“Pinuntahan ngayong araw ni Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago, kasama sina Kabataan Partylist Rep. Atty. Renee Co at ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio, ang mga kabataang marahas na dinisperse at inaresto ng Manila Police matapos ang kilos-protesta ng taumbayan laban sa korapsyon kahapon, upang alamin ang kanilang sitwasyon matapos hindi papasukin ang mga magulang at bisita,” saad sa caption ng Gabriela Women’s Partylist.
Kinausap din nila Co, Tinio, at Elago ang mga magulang na umano’y noon pang gabi ng Setyembre 21 naghihintay sa harap ng nasabing presinto.
“Atin ring kinausap ang mga pamilyang simula kagabi pa naghihintay sa tapat ng Manila Police District Headquarters upang hanapin ang kanilang mga nawawalang kaanak na nakiisa sa protesta kahapon,” ayon naman sa caption ng Kabataan Partylist.
Kabilang umano sa naaresto ang nagngangalang Alexis “Chocoy” Lasic na isang Person with Disability (PWD).
“Kabilang sa mga inaresto ang kabataang Marikenyo na si Alexis “Chocoy” Lasic, isang PWD at biktima ng baha.
“Hanggang ngayong umaga, karamihan ay hindi pa rin pinapayagang makausap ang kanilang pamilya at wala pang akses sa abogado,” anila.
Nananawagan umano sina Elago, Co, at Tinio na palayain ang lahat ng menor de edad, PWD, at igalang ang Miranda rights ng mga naaresto.
“Panawagan ng Gabriela Women's Party na palayain ang lahat ng menor de edad at PWD, at igalang ang kanilang Miranda rights,” pagtatapos nila.
Samantala sa opisyal na ulat ng MPD, kinumpirma ni Police Major Philipp Ines na umabot sa 216 ang kabuuang bilang ng kanilang mga naaresto.
89 umano dito ang lumabas na menor de edad at nakatakdang i-turn over sa Department of Social Welfare and Development o DSWD.
“89 ‘yong minors. ‘Yong 65 do’n ‘yong tinatawag nating ‘children with conflict with the law.’ ‘Yong 26 do’n ‘yong tinatawag nating ‘children at risk.’[...] ‘Yong ‘children at risk’ ‘yong mababa sa 12 years old.
“‘Yong minor naman, more that 15 [ang] less than 18 naman. Ito titingnan natin ang determination ng tinatawag natin na discernment.
“Kapag napatunayan po at lumabas po na alam po nila ‘yong ginagawa po nila, mananagot po sila sa batas,” paglilinaw ni Ines.
Mahaharap naman ang iba pang naaresto sa mga reklamong arson, direct assault, physical injuries at malicious mischief.
Mc Vincent Mirabuna/Balita