Ibinahagi ni Philippine National Police (PNP) Acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez na tinatayang 84,000 ang mga mamamayang nakiisa sa mga kilos-protesta noong Linggo, Setyembre 21.
“As a whole, it [protests] were attended by about 84,000 protesters nationwide, divided into several groups,” saad ni Nartatez sa PNP press briefing sa Malacañang nitong Lunes, Setyembre 22, kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Information and Communications Technology (DICT).
Ibinahagi rin ni Nartatez na bilang paghahanda sa mga kilos-protesta na idinaos kamakailan para sa kontra-katiwalian sa gobyerno at ika-53 anibersaryo ng Martial Law, may mahigit-kumulang 50,000 kapulisan ang idineploy sa buong bansa, kung saan, kalahati sa mga ito ay inistasyon sa Metro Manila.
Bukod dito, binanggit din niya na nakipagtulungan ang PNP sa ibang local government units (LGUs) para sa mga equipment na ginamit pang-responde sa mga kilos-protesta.
Gayunpaman, ipinahayag din ni Nartatez na ikinalulungkot niya ang mga naganap na insidente sa kasagsagan ng mga demonstrasyon.
“It’s very unfortunate na nagkaroon ng mga isolated incidents, particularly in Ayala Bridge and another two incidents in Mendiola,” saad niya.
Ang mga naging bayolenteng pangyayari tulad ng pambabato at tensyon ng ilang grupo sa mga pulisya, ay nagresulta sa pagkakaaresto ng mahigit-kumulang 300 na mga raliyista.
“It is very unfair for the rallyists particularly nandoon sa Luneta and EDSA Shrine and People Power Monument na nakapatahimik, at nagpapasalamat kami sa kanila for their coordination,” aniya.
Tiniyak din ni Nartatez na patuloy nilang pananagutin ang mga naaresto at iimbestigahan ang kanilang naging motibasyon.
“Whether they are minors or of legal age, ay mapa-file natin natin ng kaso. Certainly they have left tracks from the moment they have committed these acts during the actual rally up to the time that they were recruited for whatever purposes,” saad pa niya.
Sean Antonio/BALITA