Tiniyak ni Pangulong “Bongbong” Marcos Jr. ang mga Pilipino na mahigpit na nakatuon ang mga ahensya ng pamahalaan sa epekto ng hagupit ng super typhoon “Nando” sa bansa.
“Nakatanggap tayo ng mga ulat mula sa iba’t ibang probinsya ukol sa Bagyong Nando. Malalakas ang hangin na nararanasan, ngunit sa ngayon ay hindi pa malakas ang ulan,” saad ni PBBM sa kaniyang pahayag nitong Lunes, Setyembre 22.
Ayon pa sa kaniya, nagsagawa na sila ng preemptive evacuation sa mga lugar na apektado ng bagyo, katulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang ahensya para agarang makapagbigay-tugon sa mga evacuee.
“May mga isinagawang preemptive evacuation at tinutugunan agad natin ang pangangailangan ng mga nasa evacuation centers,” dagdag pa rito.
Binanggit din niya na dahil prayoridad ng pamahalaan ang kaligtasan at kapakanan ng mga lugar na apektado ng bagyo, handa sila na magpadala ng emergency assistance kahit na anong oras.
“Mahigpit nating mino-monitor ang sitwasyon, at naka-alerto ang lahat ng ahensya ng pamahalaan upang makapagbigay ng tulong saanman at kailanman kailanganin,” pagtitiyak niya.
KAUGNAY NA BALITA: Matapos mag-landfall: Super Typhoon Nando, papalayo na sa Babuyan Islands
Sean Antonio/BALITA