December 13, 2025

Home BALITA

'Muling napatunayan na buhay ang diwa ng pagkakaisa at panindigan ng mga Pilipino!' —Sen. Bam

'Muling napatunayan na buhay ang diwa ng pagkakaisa at panindigan ng mga Pilipino!' —Sen. Bam
Photo courtesy: Bam Aquino (FB)

Ibinahagi ni Sen. Bam sa kaniyang Facebook post noong Linggo, Setyembre 21, na muling napatunayan ng “Trillion Peso March” sa EDSA ang diwa ng pagkakaisa at paninindigan ng mga Pilipino.

“Ngayong araw, muling napatunayan na buháy ang diwa ng pagkakaisa at paninindigan ng mga Pilipino. Mula sa misa sa EDSA Shrine hanggang sa martsa patungong People Power Monument, libo-libong Pilipino ang nagtipon para sa Trillion Peso March — isang malinaw, malakas, at sabay-sabay na panawagan laban sa korapsyon,” ani Sen. Bam.

“Kitang-kita ang hinaing ng taumbayan. Sukang-suka na sila sa korapsyon. Ang kanilang sigaw ay hustisya at pananagutan. Para sa trilyong pisong nawala sa kaban ng bayan na sana’y nagligtas ng buhay at nagbigay ginhawa sa marami. Ang trilyong pisong napunta lang sa mga maanomalyang flood control projects ay dapat napunta na lang sa edukasyon at kalusugan,” dagdag pa niya.

Idiniin niya rin ang paghihirap ng mga Pilipino, sa kabila ng umano’y pakikinabang ng iilan sa pondo ng taumbayan.

“Habang may mga Pilipinong namamatay at nagdurusa sa baha, habang may mga batang nagugutom at pumapasok sa klasrum na siksikan at kulang sa kagamitan, habang milyon ang walang trabaho at sapat na suporta mula sa pamahalaan, patuloy na nakikinabang ang iilan sa pera ng bayan,” aniya. 

"Ang pera ng bayan ay dapat para sa bayan. Hindi ito para sa bulsa ng mga tiwali at kanilang mga kasabwat,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa mambabatas, hindi lamang umano kailangang may managot, bagkus nararapat din daw na maibalik ang pera at magkaroon ng tunay na pagbabago hinggil sa mga isinasagawang imbestigasyon.

National

'Not admission of guilt!' Surigao Del Sur solon, nagbitiw sa bicam committee dahil sa delicadeza

Nakita din niya umano ang lakas ng pagkakaisa, kung saan libo-libong mga Pilipino ang sabay-sabay nanindigan at nagsalita— na siyang malinaw, malakas at hindi nararapat na balewalain.

Namataan ang pagdalo ni Sen. Bam sa Trillion Peso March na isinagawa sa EDSA noong Linggo, Setyembre 21, kasama sina Sen. Kiko Pangilinan, at Rep. Leila de Lima.

Vincent Gutierrez/BALITA