December 13, 2025

Home BALITA National

'Mananagot ang lahat!' PBBM, pananagutin mga gumamit ng dahas sa kilos-protesta

'Mananagot ang lahat!' PBBM, pananagutin mga gumamit ng dahas sa kilos-protesta
Photo courtesy: BALITA FILE PHOTO

Nagbigay ng pahayag ang Palasyo na titiyakin umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na mapanagot ang lahat ng sangkot na indibidwal na gumamit ng dahas sa nangyaring malawakang kilos-protesta laban sa korapsyon. 

Ayon sa naging press briefing ng Palasyo nitong Lunes, Setyembre 22, 2025, sinaad ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na si PBBM raw mismo ang nagsabing mananagot ang mga gumamit ng marahas na paraan sa mga rally noong Linggo, Setyembre 21. “Mananagot ang lahat. ‘Yan ang nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., sa lahat ng sinomang gumamit ng karahasan sa naganap na peace for rally noong Linggo. Bilang isang public servant, pinakinggan ni Pangulong Marcos Jr., ang sigaw ng taumbayan. Managot ang lahat ng sangkot,” panimula ni Castro. 

Ayon pa kay Castro, kaisa umano ng taumbayan si PBBM sa pagsugpo ng korapsyon sa bansa.

“Kaisa ng taumbayan si President Marcos Jr., laban sa korapsyon[...] At sa tulong ng taumbayan na magiging matapang sa pagbunyag ng katotohanan, ang pang-aabuso sa kaban ng bayan ay mailalantad at malalabanan. 

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

“Ang Pangulong Marcos Jr., ay handang tumugon sa hiling ng taumbayan kaya nirespeto at patuloy na nirerespeto ng Pangulo ang karapatang pantao. Hindi siya naging hadlang sa malaking protesta. Naglahad ng galit ang tao laban sa korapsyon,” pagbabahagi ni Castro. 

Subalit hindi umano papayagan ni PBBM na gamitin ang kabataan para gawing “tulisan” laban sa gobyerno. 

“Ngunit kinukondena ng administrasyong ito at ng Pangulo ang paggamit ng mga kabataan na gawing mga tulisan na mga grupong itinatago ang mukha sa likod ng itim na maskara. 

“Team Itim kung maituturing. Hindi sila raliyista na may lehitimong adhikain laban sa korapsiyon, kundi gumawa lang ng karahasan, magnakaw, manunod, at manira,” anang Castro. 

Pagpapatuloy ni Castro, hindi rin makakatakas sa batas ang mga aniya’y taong nasa likod ng mga kabataang pinili ang karahasan.

“Hindi kayo makakalagpas sa kamay ng batas. At ang mga tao sa inyong likuran na gumamit sa inyo, mga gahaman sa kapangyarihan. Hindi kayo dapat paligtasin. Hustisya ang uusig sa inyo,” pagdidiin ni Castro. 

Pinagbalingan din ni Castro ang mga taong gumamit ng mga hindi kanais-nais na salita at pinaalalahang may responsibilidad silang maging ehemplo para sa mga kabataan. 

“Sa ilang gumamit ng mga foul language, nirerespeto ang inyong karapatan na magpahayag. Pero may responsibilidad din kayong maging magandang ehemplo lalo na sa mga kabataan,” ‘ikaw ni Castro.

Pagtatapos ni Castro, idaan umano sa wastong paraan ang mga panawagan ng mga isinasagawa ng mga tao, “Ipinaglalaban natin ang tama, idaan natin sa paraang tama.” 

Mc Vincent Mirabuna/Balita