Maghahanda ng kasunod na hakbang ang House of Representative (HOR) sa pangunguna ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III kasama si Committee on Ethics and Privileges Chairperson na si 4Ps Party-list Rep. JC Abalos kung hindi babalik si dating chairperson ng House Appropriations Committee at Ako Bicol party-list na si Rep. Zaldy Co.
Ayon sa naging panayam ni Dy sa midya nitong Lunes, Setyembre 22, 2025 sa Batasang Pambansa, magkakaroon sila ng pagpupulong ni Abalos upang pag-usapan ang magiging hakbang nila para mapauwi si Co.
“Siguro pag-uusapan natin, pag uusapan ng leadership, especially yung chair ng ethics kung ano pa yung pwedeng gawin para matiyak natin na makauwi si Congressman Zaldy Co,” pagbabahagi ni Dy.
Kaugnay ito sa dahilan ni Dy na wala pa umano silang naririnig mula kay Co simula nang bigyan nila siya ng sampung araw na palugit para makauwi sa bansa.
"Wala pa [sagot] sa ngayon, but siguro antayin natin. Tutal binigyan naman natin siya ng sampung araw para malaman natin kung ano ‘yong magiging kasagutan ni Congressman Zaldy Co," saad ni Dy.
Nauna nang nagpadala ng mensahe si Dy noong Setyembre 18, 2025, para kay Co na pinapawalang bisa niya ang travel clearance ng huli para sa kaniyang pag-alis sa bansa.
KAUGNAY NA BALITA: 10 araw na palugit, ibinigay ni House Speaker Dy para makabalik ng bansa si Rep. Zaldy Co
Ayon kay Dy, ang nasabing recovation sa travel clearance ni Co ay bunsod ng malawakang panawagan ng publiko hinggil sa kinasasangkutang isyu ng naturang kongresista kaugnay ng maanomalyang flood control projects.
“This revocation is issued in the paramount interest of the public and due to the existence of pressing national matters requiring your physical presence,” anang House Speaker.
Matatandaang kasalukuyang nasa Amerika si Co, para umano si isang extensive health consultation.
“I made an initial inquiry sa Office of the Secretary General. Sa pagkakaalam ko, he's currently out of the country,” ani House Spox Princess Abante.
Saad pa niya, lumipad patungong Amerika si Co para umano sa kaukulang medical treatment.
KAUGNAY NA BALITA: ‘For medical treatment?’ Rep. Elizaldy Co,kumpirmadong nasa labas ng bansa—House Spox
Habang sa hiwalay na pahayag naman nang igiit ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin na nag-90/60 raw ang blood pressure ni Co kung kaya’t kinailangan niyang manatili sa Amerika matapos ihatid ang kaniyang anak.
“When I talked to him yesterday, sabi n'ya yung doktor n'ya found out na 90/60 [blood pressure], and the doctor said that 'We need an extensive checkup on your heart’," ani Garbin.
Samantala, wala pa naman inilalabas na pahayag ang kampo ni Co sa ngayon kaugnay sa magiging kilos nila Dy at iba pang lider sa loob ng Kamara.
Mc Vincent Mirabuna/Balita