Mabibigat ang mensaheng pinakawalan ni Unkabogable Star Vice Ganda matapos ang talumpati niya sa isinagawang "Trillion Peso March" sa EDSA People Power Monument noong Linggo, Setyembre 21.
Isa lamang si Vice Ganda sa maraming celebrities na nakilahok sa nabanggit na peace rally kontra korapsyon, na nag-ugat sa anomalya ng flood control projects.
Sa nabanggit na rally, hindi na "nagbait-baitan" pa si Vice Ganda dahil tapos na raw ang kabaitan at pagiging resilient.
Tahasang sinabi ni Vice Ganda na kailangang mapanagot ang mga kurakot na opisyal ng pamahalaan, na nakinabang nang husto sa pera ng taumbayan.
“Ang corrupt na politiko ay higit pa sa mamamatay tao. Ang korapsyon ay higit sa terorismo... Ang magnanakaw walang pinipili. Kapwa Pilipino ang inaabuso,” pahayag ng It's Showtime host.
"Tapos na ang panahon ng mabait at resilient... 'Di na uubra bait-baitan. Hindi ko babaitan mensahe ko, sa katunayan, mga hayop sila. Hindi natin kakalmahan dahil deserve nila ang galit, poot, at pikon," bahagi pa ng kaniyang mensahe para sa mga dumalo.
Nag-iwan naman siya ng isang hamon para kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
"Kaya hinahamon ka namin, Pangulong Bongbong Marcos, kung gusto mong magkaroon ng magandang legasiya ang pangalan mo, ipakulong mo lahat ng magnanakaw! Nakatingin kami sa 'yo, Pangulong Bongbong Marcos. At inaasahan ka namin, hindi dahil sa idol ka namin, kundi dahil sinusuwelduhan ka namin at inaasahan natin, na tutuparin mo ang iniuutos naming mga employer mo!"
"Kami ang nagpapasahod sa inyo, tapos na ang panahong natatakot tayo sa gobyerno," giit pa ni Vice Ganda.
May pahayag din siya patungkol sa posibleng pagbabalik ng death penalty para sa mga mapatutunayang korap.
"Ikulong ang mga magnanakaw. Para nga sa’kin, hindi sapat ang kulong eh. Dapat patayin ang mga korap na magnanakaw. Ibalik ang death penalty para sa mga korap,para patayin ang mga magnanakaw, ikulong pati pamilya nila!"
Matatandaang si Vice Ganda ay pinarangalan kamakailan bilang isa sa top taxpaying media personality ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at isa sa mga vocal na artista pagdating sa mahahalagang isyu sa lipunan.
KAUGNAY NA BALITA: Pagbabayad ng tax at pagtatanong kung saan napunta ito, obligasyon!—Vice Ganda
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang Palasyo hinggil dito.