Tears of joy ang dala kay Unkabogable Star Vice Ganda ng pagkapanalo ng isang factory worker ng ₱650,000 sa “It’s Showtime” segment na “Laro Laro Pick” nitong Lunes, Setyembre 22.
Ito ay matapos masagot ng factory worker na si Khen ang tanong na ano ang popular name ng kasalukuyang Senate President Pro Tempore, na siya ring Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.
“Masayang-masaya kami na sa puntong ‘to, isa man lang sa mga kababayang nating hirap na hirap na ang matulungan natin. Kahit paisa-isa man lang, kahit paisa-isa lang. ‘Yon lang ang gusto nating lahat. Hindi man natin matulungan sabay-sabay, paisa-isa man lang,” ani Vice.
“Iyon ang inilalaban nating lahat ngayon kaya kami nagkaisa ng [It’s] Showtime na magputi tayo [na damit] ngayon, magsuot tayo ng white na ribbon kasi…Ipagpatuloy natin ang laban sa korapsyon. Labanan natin ang pagpapahirap at patuloy na kahirapan ng mga Pilipino,” dagdag pa niya.
Humiling naman ang TV host-Actor kay Khen na sana ay gamitin niya ang napanalunang pera nang responsable.
“Ang tanging hiling namin sa’yo, maging responsable ka sa paggamit ng perang ito. Hindi ito madaming-madami, ang bilis maubos ng ₱650,000. Mahirap mabaon sa utang, hindi kami magiging masaya na tuluyang mawasak ang pamilya ninyo. Sana mapatawad ka ng asawa mo,” ani Vice.
Nangako naman si Khen na palalaguin niya ang perang napanalunan.
Napag-alamang nagkaproblema si Khen at ang kaniyang asawa, ngunit umaasa itong magkaayos sila para sa kanilang siyam na taong gulang na anak.
Matatandaang araw bago ang appearance ni Vice Ganda sa It’s Showtime ngayong araw, nanggaling muna ito sa kilos-protestang “Trillion Peso March” na isinagawa sa EDSA noong Linggo, Setyembre 21.
KAUGNAY NA BALITA: Vice Ganda, makikiisa sa kilos-protesta sa Luneta sa Setyembre 21-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA