Magkakasunod na tirada laban kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla ang pinakawalan ni Cavite 4th district Rep. Kiko Barzaga.
Sa kaniyang mga Facebook posts noong Linggo ng gabi, Setyembre 21, 2025 at maging nitong Lunes, Setyembre 22, iginiit niyang pilit umanong pinagtatakpan ni Remulla ang mga napatay na raliyista matapos ang pagsiklab ng gulo sa Maynila sa pagitan ng mga demonstrador at pulisya.
"Ilan ang pinatay ninyo kanina? Jonvic Remulla," anang mambabatas sa kaniyang FB post noong Linggo.
Nasundan pa ito ng sunod-sunod na FB post nitong Lunes na nagsasabing bukod sa pinagtatakpan umano ni Remulla ang mga napatay na bilang ng mga raliyista, ay mismong ang kalihim umano ang nag-utos na itumba ang mga ito.
"Mga Congressman na nagnakaw safe lang, habang yung mga lumalaban sa magnanakaw pinapatay ng PNP ni Remulla kagabi," saad ni Barzaga.
Sa hiwalay na FB post, binanggit din ni Barzaga na dapat aniyang maimbestigahan si Remulla dahil sa naging pahayag nito na "zero casualty" ang naiulat na nasawi sa riot na sumiklab sa Maynila.
"SILG Jonvic Remulla should be investigated for claiming zero casualties during the protests despite video evidence," anang mambabatas.
Tila nagbanta rin ang Cavite solon na magkakaroon umano ng susunod na kilos-protesta sa kapitolyo ng Cavite kapag hindi raw inamin ni Remulla ang totoo.
"Next Protest sa Cavite Provincial Capitol pag hindi mo nilabas yung katotohanan ng mga pinatay niyong nagpoprotesta! Jonvic Remulla," saad ni Barzaga.