Naniniwala si Unkabogable Star Vice Ganda na dapat nang ibalik o gawan ng batas ang pagsulong sa death penalty o parusang kamatayan para sa mga mapatutunayang korap, kurakot, o tiwaling opisyal ng pamahalaan.
Buong tapang na ipinahayag ito ng komedyante-TV host sa isinagawang "Trillion Peso March" sa EDSA People Power Monument sa Quezon City noong Linggo, Setyembre 21, kaugnay sa malawakang rally kontra korapsyon.
Isa si Vice Ganda sa mga celebrity, mainstream at social media personality na nakiisa sa nabanggit na kilos-protesta, at isa rin siya sa mga nagbigay ng talumpati.
Para kay Meme, panahon na para ibalik ang death penalty sa bansa, at kailangan daw makulong din ang pamilya ng mga korap na opisyal na nakinabang sa "ninakaw" na pera ng taumbayan.
"Ikulong ang mga magnanakaw. Para nga sa’kin, hindi sapat ang kulong eh. Dapat patayin ang mga korap na magnanakaw. Ibalik ang death penalty para sa mga korap,para patayin ang mga magnanakaw, ikulong pati pamilya nila!" aniya.
Nagbiro pa si Vice Ganda sa isang pari na nasa entablado at sinabing ipagdasal na lamang siya, dahil bilang alagad ng simbahan, alam ng komedyante-TV host na tutol ito sa nabanggit na porma ng kaparusahan.
Nag-iwan din siya ng direktang mensahe para kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
"Kaya hinahamon ka namin, Pangulong Bongbong Marcos, kung gusto mong magkaroon ng magandang legasiya ang pangalan mo, ipakulong mo lahat ng magnanakaw! Nakatingin kami sa 'yo, Pangulong Bongbong Marcos. At inaasahan ka namin, hindi dahil sa idol ka namin, kundi dahil sinusuwelduhan ka namin at inaasahan natin, na tutuparin mo ang iniuutos naming mga employer mo!"
"Kami ang nagpapasahod sa inyo, tapos na ang panahong natatakot tayo sa gobyerno," giit pa ni Vice Ganda.
Matatandaang si Vice Ganda ay pinarangalan kamakailan bilang isa sa top taxpaying media personality ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at isa sa mga vocal na artista pagdating sa mahahalagang isyu sa lipunan.
KAUGNAY NA BALITA: 'Ipakulong mo lahat ng magnanakaw!' hamon ni Vice Ganda kay PBBM kontra kurakot
DEATH PENALTY PARA SA MGA KORAP
Kung babalikan, noong Enero ay naghain ng panukalang-batas si Zamboanga del Norte Rep. Khymer Adan Olaso ng House Bill (SB) 11211 o proposed Death Penalty for Corruption Act.
Layunin ng nabanggit na panukalang-batas na papanagutin ang mga mapatutunayang corrupt officials sa pamamagitan ng firing squad o pagbaril.
"Despite the existence of numerous laws aimed at combating graft, malversation, and plunder, the persistence of these crimes suggests that current measures are insufficient to deter public officials from engaging in corrupt practices," pahayag ni Olaso.
"The bill emphasizes accountability and deterrence, making it clear that public office is a public trust, and any violation of that trust must be met with the severest consequences," aniya pa.
KAUGNAY NA BALITA: Kilalanin ang mambabatas na nasa likod ng 'Death Penalty for Corruption Act'
KAUGNAY NA BALITA: 'Walang matitira, ubos sila!' Netizens napa-react na i-firing squad mga korap
Ayon naman kay Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica, sinabi niyang dapat ituring na "heinous crime" ang korapsyon kaya nararapat lamang na parusang kamatayan ang itakda laban sa mga mapatutunayang korap na opisyal ng pamahalaan.
"Corruption is prevalent and is so strong in the country, because they are not being punished. They are not being penalized," aniya sa isang pahayag.
Sa kabilang banda, tila may reserbasyon naman dito ang Commission on Human Rights (CHR), batay sa inilabas nilang opisyal na pahayag kaugnay sa panukalang-batas ni Olaso.
"CHR recognizes that corruption is a grave offense that has far-reaching and systemic consequences, including perpetuation of inequality and weakening of institutions."
"However, the death penalty is not a guaranteed or effective solution to eradicate it," mababasa sa kanilang opisyal na pahayag.
Subalit habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang update kung ano na nga ba ang lagay ng nabanggit na panukalang-batas sa Kamara.
Ngunit kung maraming tila nakikitang interesting ang nabanggit na panukalang-batas lalo't napapanahon, tila may ilan din namang tumututol dito,
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang Palasyo hinggil dito.