Ibinahagi ng comedian at impersonator na si Gil Morales o mas kilala bilang "Ate Gay" ang taos-pusong pasasalamat sa isang doktor na naglaan ng oras upang personal siyang dalawin at makipagkuwentuhan sa kaniya, matapos pumutok ang balitang may iniinda siyang cancer.
Sa isang Facebook post, ikinuwento ni Ate Gay na hinanap siya at dinalaw ng isang nagngangalang "Dr. Ramos," na hindi raw makatulog dahil iniisip kung paano niya matutulungan.
Isa raw ang doktor sa mga napapatawa ni Ate Gay noon, at biglang pagbabalik-loob, nais daw siyang tulungan ng nabanggit na doktor kung paano mapagagaling ang kaniyang sakit.
"Dinalaw ako ng isang doctor…Di daw sya makatulog at pano nya ako tutulungan.. isa daw po sya sa napapatawa ko kaya bilang pasasalamat ay agad nya akong hinanap… Dr.Ramos nagbigay sa akin ng Oras na chikahan kung pano ko malalagpasan Ang sakit ko. maraming salamat po Doc…" ani Ate Gay.
Kilala si Ate Gay bilang isa sa mga stand-up comedian at impersonator na nagbibigay saya sa maraming Pilipino, lalo na sa kaniyang panggagaya sa namayapang Superstar na si Nora Aunor, at "mash-up" ng mga awitin.
Ayon sa komedyante at "Eat Bulaga" host na si Allan K, si Ate Gay ay may tinatawag na "mucoepidermoid cancer versus squamous cell carcinoma." Sabi raw ng doktor kay Ate Gay, wala na raw lunas ang nabanggit na sakit, at tinaningan pa ang komedyante na baka hanggang 2026 na lamang daw mabubuhay.
KAUGNAY NA BALITA: 'Gusto ko pang mabuhay!' Ate Gay, lumalaban sa malubhang sakit
Batay sa National Institute of Health (NIH), ang sakit ni Ate Gay ay "most common malignant, locally-invasive tumor of the salivary glands, and accounts for approximately 35% of all malignancies of the major and minor salivary gland."