Hindi kinalimutang banggitin ni Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago ang anibersaryo ng Martial Law noong 1972 sa ikinasang kilos-protesta kontra korupsiyon sa Luneta nitong Linggo, Setyembre 21.
Sa kaniyang talumpati na bahagi ng programa, sinabi niyang ang pagdalo umano sa ng kilos-protesta ay palatandaan din na hindi nakakalimot ang taumbayan.
Aniya, “Nandito rin tayo higit sa limang dekada mula Martial Law declaration upang ipakita na hindi nakakalimot ang taumbayan sa ating kasaysayan.”
At magpasa-hanggang ngayon, fifty years na ang nakakaraan. Tayo pa rin ay naniningil dahil napakarami pa ring magnanakaw,” dugtong pa ni Elago.
Kaya ayon sa kongresista, malinaw umano na ang paglaban sa korupsiyon ay hindi lang basta pagpapalit ng pangalan at dinastiya kundi pagpapalit din ng korap na sistema.
“Ang hamon sa ating lahat ay patuloy na mag-organisa, patuloy na kumilos, sama-samang lumaban, at ipakita na hindi mananahimik ang taumbayan,” pahabol pa niya.
Matatandaang sa ilalim ng Proclamation No. 1081, idineklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang Martial Law sa Pilipinas noong Setyembre 21, 1972, sa mga kadahilanang communist at Islamic insurgencies.
Maki-Balita: BALITAnaw: Ano ang naging gampanin ng kabataan noong Martial Law?