Kung sakaling mapatalsik umano sa puwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., nais ng ilang raliyistang pumalit sa kaniya si Vice President Sara Duterte bilang bagong pangulo ng bansa.
Ayon sa naging panayam ng Balita sa isang rayilistang si Paolo, pumunta siya sa Camp Aguinaldo, Quezon City nitong Linggo, Setyembre 21, 2025, upang isigaw ang kaniyang panawagan na buwagin sa kapangyarihan ni PBBM.
Aniya, mahiya raw ang pangulo dahil siya umano ang puno’t dulo ng mga katiwalian dito sa bansa.
“Mahiya naman sila lalo na si Bongbong Marcos. Bilang siya ‘yong presidente, siya ‘yong puno’t dulo ng korupsyon dito sa Pilipinas. So inaasahan namin na sana mahiya siya,” panimula ni Paolo
Dagdag pa niya, “Palagi siyang walang alam. Walang ideya. Pero grabe ‘yong katiwalian dito sa ating bansa.”
Ibinahagi ni Paolo sa panayam na dati siyang iskolar sa libreng edukasyon noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan nakapagtapos umano siya ng kaniyang pag-aaral.
“Working na ako. Pero bunga ako ng magandang pamumuno ng Pangulong Duterte noon. Dahil sa kaniyang libreng edukasyon, kaya ako nakapagtapos,” anang Paolo.
Paggigiit ni Paolo, galing pa umano silang Pampanga kasama ng dalawa pa niyang pinsan at wala silang kinabibilangang grupo mula sa mga progresibong samahan na nagsagawa ng kilos-protesta sa nasabing lugar.
Ani ni Paolo, doon sila nagtungo sa pagtitipon ng United People’s Initiative (UPI) dahil naniniwala sila sa mga pinaglalaban nito.
“Hindi. Tatlo lang kami ng mga pinsan ko na pumunta dito galing pang Pampanga para makiisa kasi naniniwala kami sa kanila sa pinaglalaban nila,” pagkukuwento niya.
Para umano kay Paolo at dalawa pa niyang kasamahan, nais nila umanong pumalit si VP Sara kung sakaling mapatalsik sa puwesto si PBBM.
“‘Yon ‘yong isa sa mga pinaglalaban namin ngayon na isa ang Bise Presidente, siya ang magiging presidente. Kasi minsan lang din siyang nabudol noon at siya, kasama ng kaniyang tatay na si Pangulong Duterte, ang unang nagsiwalat ng katiwalian kaya sila ngayon ay binnubugbog ng kung ano-anong mga propaganda ng ating administrasyon ito,” pagtatapos niya.
Ayon 1987 Constitution ng Pilipinas, Artikulo VII, Seksyon 8, sinasaad doon na “In the event of the President's death, permanent disability, removal from office, or resignation, the Vice-President will take over and serve the remainder of the term.”
Ibig sabihin, mayroong batayang legal na pagbabasehan kung sakali mang mailuklok sa puwesto si VP Sara kapalit ni PBBM.
Samantala, kalapit lamang ng lugar na pinagtipunan nila Paolo at ng UPI ang Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) People Power Monument sa QC kung saan nagtipon din ang mga miyembro ng Akbayan party-list, Mamayang Liberal (ML), at iba pang grupo ng kabataan na nagsagawa rin ng protesta laban sa pamahalaan.
Mc Vincent Mirabuna/Balita