December 21, 2025

Home BALITA National

Raliyistang 'Gen Z,' nagpasaring sa ilang 'nepo babies'

Raliyistang 'Gen Z,' nagpasaring sa ilang 'nepo babies'
Photo courtesy: Gela Alonte, Claudine Co (FB)

“Lahat ng gamit n’yo, galing sa pera ng taumbayan,” ito ang sigaw ng isang “Gen Z” na raliyista mula sa grupong “Hakbang ng Maisug” sa kanilang kilos-protesta kontra-katiwalian sa gobyerno nitong Linggo, Setyembre 21 sa Liwasang Bonifacio, Maynila.

Pinasaringan ng nasabing demonstrador ang mga umano’y “Disney Princess” o “Nepo Babies” na anak ng mga kontraktor at politiko na umano’y nagpapasasa sa kaban ng bayan.

“Tignan niyo ang p*t*n* i*a*g si Gela Alonte, napakakapal ng mukha! Di na nahiya mag-flex ng mga kayamanan niya. Sasabihin pa niya, wala siyang utang na loob sa mga Pilipino,” madamdamin niyang saad.

“‘Yang kinakain mo, ‘yang sinusuot mo, ‘yang mansyon niyo, lahat ng gamit niyo, galing sa pera ng taumbayan,” aniya pa.

National

‘Anong relasyon?’ Hotel na tinuluyan ni ex-Usec. Cabral, ibinenta umano kay Eric Yap

Kasama rin sa pinangalanan niya ay si Claudine Co na anak ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co, na isa sa mga napangalanan na umano’y mayroong kaugnayan sa mga anomalya sa flood control projects kamakailan.

“Napakawalang-hiya, napakakapal ng mukha, lalo na ‘yang si Claudine Co. Hindi siya nahihiya, pumupunta ng ibang bansa, kumakain ng isang kainan lamang na nagkakahalaga ng ₱759,000, Habang ang kabataan, habang ang mga Pilipino, natutulog sa lansangan, walang matirahan, walang bahay, walang pangpaaral, walang pangpasok sa school,” saad niya.

Ibinahagi rin ng raliyistang “Gen Z” na kung papipiliin siya kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo o sa mag-asawang Discaya, pipiliin pa raw niya ang alkalde.

“Kung papipiliin ako kay Alice Guo pati kay Discaya, pipiliin ko ang Chinese na si Alice Guo, bakit? Si Alice Guo ni isang tao sa nasasakupan niya sa Bamban, walang nagutom noong panahon niya, nagpatayo pa ng eskwelahan sa taas ng bundok,” aniya.

“Tingnan mo ang pamilya Discaya, habang tayo’y lumulusong sa baha, nagugutom, naghihirap, sila ay nagpapakasarap sa binabayad nating buwis,” aniya pa.

Sa demonstrasyong ding ito, matapang niyang hinikayat ang mga kapwa-raliyista na pumunta sa Malacañang para personal na ipahayag ang kanilang panawagan at adbokasiya.

“Napakakapal ng mga politiko na mga namumuno sa atin, kaya marapat lamang na sugurin natin ang Malacañang para sugurin at pababain sa puwesto si BBM. Hindi na dapat na mayroong maupong Marcos sa susunod na henerasyon,” aniya.

“Labanan natin ang korapsyon! Itigil natin ang korapsyon ngayon mismo, dahil hindi puwedeng mamana ng next generation ang kagaya nitong gobyerno at pulitiko na walang serbisyo kung hindi magnakaw lamang sa bayan,” dagdag pa niya.

Sean Antonio/BALITA